MANILA, Philippines - Napagtagumpayan ng Pilipinas ang hangaring mapanatiling hari sa South East Asia sa ikalawang sunod na taon nang kunin ang 12-0 shutout panalo sa Indonesia sa pagtatapos kahapon ng PONY League Asia-Pacific Regional Qualifier sa Rizal Memorial Baseball Stadium.
Dalawang hits lamang ang ibinigay ng apat na pitchers na ginamit ng Habagat habang 12 hits ang kinamada ng mga Pinoy batters sa mga Indonesian pitchers para katampukan ang one-sided na labanan.
Nakasira pa sa laro ng Indonesia ang kanilang 13 errors para magkaroon ng 10 unearned runs ang host country.
Sa kabuuan, ang Pilipinas ay nagtala ng dalawang panalo sa apat na larong hinarap. Tinalo nila ang Russia, 26-1, bago natalo sa Japan, 2-4. Durog ang Pilipinas sa Chinese Taipei, 0-15, sa semis para mamaalam sa labanan sa Asia-Pacific.
Nakapanggulat naman ang Korea na tinapos ang paghahari ng defending Aspac at World champion Chinese Taipei, 6-5, sa tampok na laro.
Ang pitcher na si Kim Dae Han ang tumayong bida nang ma-strikeout si Cho Wei upang mawalang saysay ang pagkalagay sa scoring position ni Han Lau Wei at maipreserba ang isang run kalamangan. Ito ang unang pagkakataon na nagkampeon ang Korea sa 11-12 division at sila ang kakatawan sa rehiyon sa World Series sa Los Alamitos, California mula Agosto 1 hanggang 4.