MANILA, Philippines - Isang South African ang muling makakatapat ng bagong International Boxing Organization super flyweight champion na si Edrin ‘The Sting’ Dapudong.
Sinabi kahapon ni Golden Gloves promoter Rodney Berman na hahamunin ni Nkosinathi Joyi ng South Africa si Dapudong sa Agosto sa Emperor’s Palace Resort and Casino sa Johannesburg, South Africa.
Aakyat si Joyi sa super flyweight division mula sa pagkampanya sa minimumweight class para labanan si Dapudong.
“I’ve secured him a title shot against Dapudong at the heavier junior bantamweight (super flyweight) limit after concluding with Siphato Handi,†wika ni Berman sa kanyang pakikipag-usap sa manager ni Joyi.
Pinabagsak ni Dapudong si dating world champion Gideon Buthelezi mula sa isang first-round KO win para agawin sa South African ang hawak nitong IBO title noong nakaraang Linggo sa Emperor’s Palace Resort and Casino.
Naipaghiganti ni Dapudong (29-5-0, 17 KOs) ang kanyang kontrobersyal na split decision loss kay Buthelezi (13-4-0, 4 KOs) sa kanilang unang pagtatagpo noong Nobyembre 10, 2012 sa nasabi ring venue.
Tiniyak ni Berman na kasasabikan ng mga boxing fans ang pagdedepensa ni Dapudong, tubong Barangay Pag-asa, M’lang, North Cotabato, ng kanyang IBO belt laban kay Joyi (23-2-0, 16 KOs).
“This will be a true crowd-pleaser after the clinical manner in which the Filipino dismantled Buthelezi,†wika ni Berman sa laban nina Dapudong at Joyi, natalo kay Hekki Budler via split decision para sa IBO minimumweight crown noong Hunyo 15.