Chua kinuhang team consultant ng Lyceum Pirates para sa NCAA

MANILA, Philippines - Mas titikas ang laro ng Lyceum Pirates para sa Season 89 sa NCAA.

Ito ang inaasahang mangyayari sa ko­ponan matapos kunin si Barangay Gi­nebra coach Alfrancis Chua bilang ka­nilang consultant.

Pormal na ipinakilala si Chua sa mga mamamahayag noong Biyernes ng gabi sa The Bayleaf  Hotel at na­nguna sa simpleng seremonya ang pa­ngulo ng paaralan na si Roberto Laurel.

“Naniniwala ako na malaki ang ma­itutulong niya sa gagawing kampanya ng Pirates sa NCAA,” wika ni Laurel.

Hindi naman ito ang unang pagkakataon na tutulong si Chua sa koponan ni coach Bonnie Tan dahil noon pa man ay hinihingian na siya ng mga suhestiyon ni Tan kahit hindi pa kasapi sa NC­AA.

“Ngayon lamang naging officials ang pagtulong ko dahil na-appoint na ako. Kinuha ko ito dahil sa challenge na nakikita ko. Parang Ginebra ang Lyceum, hindi malalaki, mas mahina sa ibang teams pero lalaban ito ng saba­yan,” wika ni Chua.

Ang ‘never-say-die’ spirit na naipa­ki­ta ng Ginebra ang siyang masisilayan din sa Pirates mula sa taong ito.

“We are not a strong team but if we play as a team, we will be a strong team. Kailangan lamang na maitanim sa isipan ng mga players na kaya nilang manalo. Sa depensa kami aasa dahil ma­liliit kami,” dagdag ni Chua.

Pitong panalo ang balak na maabot ni Tan para sa Pirates sa taong ito at pangu­ngunahan ang koponan ng beteranong si Shane Ko.

 

Show comments