Gilas Pilipinas pinayukod ang Shanghai Sharks

MANILA, Philippines -  Tinalo ng Gilas Pilipinas II ang bisitang Shanghai Sharks ni Yao Ming, 80-72, kagabi sa MOA Arena sa Pasay City.

Isang layup ni Japeth Aguilar sa huling 23.1 segundo ang nagpreserba sa panalo ng Gilas II.

Samantala, sina Arwind Santos ng PBA All-Stars at Jeff Chan ng Gi­las Pilipinas ang nahirang na co-Most Va­luable Players ng taunang PBA All-Star Game na nagtapos sa 124-124 no­ong Linggo sa Davao del Sur Coliseum sa Digos City.

Si Santos, nagtapos na may mga game-highs na 27 puntos at 13 rebounds bu­kod pa sa 2 steals, ang unang player mula sa prangkisa ng Petron Blaze/San Miguel Beer sa loob ng nakaraang 20 ta­on na maging All-Star Game MVP matapos si Allan Caidic noong 1993.

Nagtapos na may siyam na puntos lamang pe­ro kabilang ang isang three-pointer may 0.6 ng isang segundo na lamang at nagtabla ng laro, si Chan, nagdagdag ng anim na assists at apat na re­bounds, ang pangalawang player naman mula sa Rain or Shine na nahi­rang na All-Star Game MVP matapos ni Gabe Nor­wood noong 2010 sa Puerto Princesa City.

Pangatlong beses na itong may dalawang pla­yers na nagsosyo para sa All-Star Game MVP.

Unang nangyari ito no­ong 2004 sa Cebu City nang sina Jimmy Alapag at Asi Taulava ang nahirang na co-MVPs ma­ta­pos talunin ng South ang North, 130-128.

Nasundan naman ito no­­ong 2007 sa Baguio Ci­­ty makaraang igupo ng North ang South, 145-142, at sina Jayjay Helterbrand at Willie Miller ang mga co-MVPs.

Pero mula nang na-ins­­titutionalize ang PBA All-Star Game noong 1989 ay ngayon lamang nag­tapos sa tabla ang laro at wala nang overtime.

Ang All-Star Game ang pormal na tu­ma­pos ng 2013 PBA All-Star Week.

Show comments