Villanueva panalo sa Obstacle Challenge

DIGOS CITY, Philippines – Nagpakitang-gilas ang dalawang magtukayong rookies na sina Chris Ellis ng Barangay Ginebra at Chris Tiu ng Rain or Shine sa skills events ng PBA All-Star Week sa Davao del Sur Coliseum (da­ting Sports, Cultural at Business Center ng Davao del Sur) kagabi, samantalang napanalunan naman ni Jo­nas Villanueva ng Barako Bull ang pang-apat niyang sunod na titulo sa Obstacle Challenge.

Tinalo ni Ellis ang kakamping si Elmer Espiritu 93-70 (44, 49-45, 25) sa Finals ng Slam Dunk Contest para maging pang-limang rookie na nanalo ng event matapos sina Gabe Norwood (2009), Brandon Cablay (2003), Joey Mente (2001) at Vergel Meneses (1992).

Nagtagumpay naman si Tiu sa Three-Point Shootout Contest para maging pangatlong rookie na nanalo sa event makaraan sina Jimmy Alapag noong 2003 at Jasper Ocampo noong 1998.

Nagtala ng record-tying 21 points sa finals si Tiu para talunin sina Niño ‘KG’ Canaleta ng Air21 at JVee Casio ng Alaska nagtala ng 18 at 13, ayon sa pagkaka­sunod.

Tinabla ni Tiu ang record na 21 sa Three-Point Shoot­out na naitala sa Finals din nina dating champions James Yap (2009), William Antonio (2006) at Allan Caidic (1991).

Naging runner-up sa pangalawang sunod na taon sa Three-Point Shootout si Canaleta na puma­ngalawa kay Mark Macapagal, ang three-time defending champion, noong nakaraang taon.

Hindi nakalagpas ng eli­mination round si Ma­ca­pagal mula sa kanyang 11 puntos at tumabla sa pang-apat na puwesto.

Ang Top 3 sa elims ang pumasok sa Finals.

Nagtala naman ng 26.3 segundo na winning time si Villanueva pa­ra talunin sa finals sina Ellis ng Ginebra (28.1) at Pamboy Raymundo ng Talk ‘N Text (30.3).

Ang winning time ni Villanueva ang pa­nga­lawang all-time na pi­­na­kamabilis na oras sa Obstacle Challenge mula nang simulan ito noong 2003.

Sumunod ito sa na­i­ta­lang 25.5 segundo ni Wil­lie Miller nang manalo si­ya sa Bacolod City no­ong 2008.

 

Show comments