MANILA, Philippines - Sa ikalawang takbo sa taon nakuha ng Hari Ng Yambo ang unang panalo na nangyari noong Martes sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Si JA Guce ang hinete ng Triple Crown leg winner at naisantabi ng tambalan ang ipinataw na pinakama-bigat na handicap weight na 57 kilos matapos kunin ang panalo sa class division 8-9 race na ginawa sa 1,400m distansya.
Malayong pumangalawa ang Jahan na dala ni RC Baldonido at noong nakaraang taon ay pumangatlo sa Lakambini Stakes Race na pinagwagian ng Humble Riches.
Patok sa 11 tumakbo ang Hari Ng Yambo para makapagbigay ng P9.00 sa win habang P25.00 ang dibidendo sa 5-11 forecast.
Ang mga pinakaliyamadong kabayo na nanalo sa unang gabi sa isang linggong pista na ginawa sa Manila Jockey Club Inc. (MJCI) ay ang Bruno at Jaiho.
Ibinalik kay Roderick Hipolito ang pagdiskarte sa Bruno matapos sakyan ni JB Guce na hinete ng nasabing kabayo sa huling dalawang takbo. Ang Fisher Champ na dala ni class C jockey JL Lazaro ang puma-ngalawa sa datingan upang umabot pa sa P20.50 ang dibidendo sa 7-5 forecast matapos ang P6.00 sa win.
Si Baldonido naman ang hinete ng Jaiho na nanalo sa huling takbo at umakyat sa mas mataas na class division 6 na kanila ring dinomina. Patok din ang nasabing kabayo na nasa ikalawang opisyal na takbo nang magbigay ng P6.00 sa win habang ang tambalan ng Jaiho at pumangalawang Ooh La La’s Gold ay may umentong P18.50 sa forecast.