MANILA, Philippines - Hindi sa dami kungdi sa kalidad ng boksinge-rong ilalahok.
Ganito ang diskarte na gagawin ng ABAP sa gaganaping Asian Youth Boxing Championships na nakatakda mula Mayo 10 hanggang 17 sa Subic Gym.
Sampung weight divisions gagawin ang tagisan at ang host country ay maglalahok lamang ng lima na siyang aasahan para bigyan ng ningning ang laban ng Pilipinas.
Nasa 26 bansa na ang nagkumpirma ng paglahok at ang pinakamahuhusay na boksingero na edad 17-18 ang matutunghayan sa isang linggong kompetisyon.
“We will be fielding in fine and exciting boxers. This is a lean and mean fighting team,†wika ni ABAP executive director Ed Picson.
Ang mga napili ay pangungunahan nina Eumir Felix Marcial (light welterweight) at Jade Bornea (light flyweight).
Si Marcial, ang hinirang bilang 2011 World Junior champion habang si Bornea ay nanalo ng bronze medal sa 2012 World Youth Championships sa Armenia.
Kukumpletuhin ang panlaban ng Pilipinas nina Ian Clark Bautista (flyweight), Jonas Bacho (bantamweight) at James Palicte (lightweight).
Sina Bautista at Bacho ay mga beterano ng laban sa labas ng bansa at nanalo ang una ng bronze sa Sydney Jackson Memorial Tournament sa Uzbekistan habang gold medalist naman ang huli sa Malaysia meet noong Enero.
Makailang-ulit na National champion naman si Palicte na magagamit para ipantapat sa bigating makakaharap.
Idineklara na rin ni Picson na ayos na ang lahat ng dapat ayusin para tiyaking magiging matagumpay ang hosting ng Pilipinas.