MANILA, Philippines - Muling paparada ang mga mahuhusay na tatlo at apat na taong kabayo sa dalawang malalaking stakes races na itatakbo sa buwan ng Marso.
Tiyak na parehong susubaybayan ng mga mahihilig sa horse racing ang nakaambang stakes races na handog ng Philippine Racing Commission (Philracom) bunga ng napipintong pagsali ng mga premyadong kabayo dahil na rin sa magandang premyo na nakasahog dito.
Unang itatakbo sa Marso 9 ay ang 2013 Philracom Commissioner’s Cup sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite at bukas ito sa mga locally born 4YO horses na nakatakbo na sa isang karera.
Inaasahang mangunguna sa mga sasali ay ang premyadong kabayong Hagdang Bato na kapapanalo lamang sa Freedom Cup noong Pebrero 17 at ginawa sa San Lazaro Leisure, Park sa Carmona, Cavite.
Sa 1,800m ang distansyang paglalabanan at ang makakadaragdag ng interes para sumali ay ang P720,000.00 unang gantimpala mula sa P1.2 milyong kabuuang premyo.
Sakaling magpatala ang 2012 Horse of the Year awardee, magkakaroon ito ng pagkakataon na palawigin ang kita ng halos P2 milyon sa dalawang takbo dahil P1.2 milyon ang nakuha ng kabayo bilang premyo sa unang sinalihang karera.
Sa Marso 16 ay ilalarga naman ang Philracom Chairman’s Cup na bukas para sa mga 3-year old horses sa karerahan na pag-aari ng Manila Jockey Club Inc.
Ito'y magsisilbing tune-up para sa mga kabayong maaaring maging palaban sa 2013 Triple Crown Championships na opisyal na magsisimula sa Mayo 18 sa Metro Turf Club Inc. sa Malvar, Batangas.
Sa 1,600m paglalabanan ang karerang ito at sinahugan ng P2 milyong premyo at P1.2 milyon ang mapapasakamay ng horse owner ng mananalong kabayo.
Ang nominasyon sa Commissioner’s Cup ay itinakda sa Pebrero 26 habang sa Marso 4 ang deklarasyon at sa Marso 5 naman ang nominasyon sa Chairman’s Cup at sa Marso 11 ang deklarasyon ng mga opisyal na tatakbo rito.
Halagang P270,000.00, P150,000.00 at P60,000.00 ang maiuuwi ng mga kabayong kukumpleto sa dati-ngan sa Commissioner’s Cup habang P450,000.00, P250,000.00 at P100,000.00 ang premyong bibitbitin ng papangalawa hanggang papang-apat sa Chairman’s Cup.