Pacquiao nalaglag sa No. 6 sa Yahoo! Sports rankings

MANILA, Philippines - Sadyang malaki ang epekto ng dalawang sunod na kabiguan ni Manny Pacquiao noong nakaraang taon.

Sa boxing rankings ng Yahoo! Sports, nahulog ang Filipino world eight-division champion sa No. 6.

Matapos ang kanyang kontrobersyal na split decision loss kay Timothy Bradley, Jr. noong Hunyo, tumumba naman si Pacquiao sa sixth round sa kanilang pang-apat na paghaharap ni Juan Manuel Marquez noong Disyembre 8.

Ang nasabing dalawang pagkatalo ang naglaglag sa Sarangani Congressman sa listahan ng Yahoo! Sports.

Nakatanggap ang 34-anyos na si Pac­quiao (54-5-2, 38 KOs) ng 126 points sa ilalim ni super bantamweight tit­list Nonito ‘The Filipino Flash’ Do­naire, Jr. (31-1-0, 20 KOs) na may 207 points para sa No. 5 slot.

Apat na malalaking panalo ang ipinoste ng 30-anyos na tubong Talibo, Bo­hol na si Donaire noong 2012.

Si WBA super welterweight king Floyd Mayweather, Jr. (43-0-0, 26 KOs) ang umangkin sa No. 1 spot sa Ya­hoo! Sports boxing rankings matapos humakot ng 27 sa 31 first-place votes para sa kanyang 303 points.

Sinasabing malabo nang maitakda ang Pacquiao-Mayweather super fight bunga ng magkasunod na kabiguan ni ‘Pacman’ noong 2012.

Para sa kanyang unang laban nga­yong 2013, binabalak ni Pacquiao na ga­win ito alinman sa Maynila o Singapore sa buwan ng Abril.

Nakipag-usap na ang isang miyembro ng Team Pacquiao kay businessman/sportsman Manny V. Pangilinan pa­ra sa nasabing boxing event.

Ngunit gusto naman ni Bob Arum ng Top Rank Promotions na isabak sa aksyon si Pacquiao sa Setyembre.

Kinuha naman ni WBA at WBC su­per middleweight titlist Andre Ward (26-0-0, 14 KOs) ang No. 2 mula sa kanyang 265 points kasunod sina Marquez (55-6-1, 40 KOs) na nakakuha ng 228 points at WBC middleweight ruler Sergio Martinez (50-2-2, 28 KOs) na nakakolekta ng 215 points.

Ang iba pang nasa Top 10 sa Yahoo! Sports boxing rankings ay sina IBF, WBO at WBA heavyweight champion Wla­dimir Klitschko (59-3-0, 51 KOs) sa No. 7; Bradley (29-0-0, 12 KOs) sa No. 8; WBC heavyweight titlist Vitali Klitschko (45-2-0, 41 KOs) sa No. 9; at si IBF super middleweight title holder Carl Froch (30-2-0, 22 KOs) sa No. 10.

 

 

Show comments