MANILA, Philippines - Hindi pinahintulutan ni jockey Mark Alvarez na hindi magkaroon ng magandang resulta sa kanyang pagdadala ang kabayong Joshua’s Laughter nang manalo sa 7th Juanito Macaraig Cup na nagpasigla pa sa pagtatapos ng pista sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite noong Linggo.
Si Alvarez ay dumiskarte sa nasabing kabayo sa isang vicious race noong Disyembre 10 bago tumakbo sa isang class division 7-6 noong Disyembre 18 at tumapos sa ika-limang puwesto sa 1,300m distansya.
Inilaban ang kabayo sa Cup race para sa horseman na si Macaraig at nilahukan ng 11 kabayo na nagsukatan ng galing sa isang milyang distansya.
Lumabas na pang-eight choice lamang sa bentahan ang Joshua’s Laughter na pag-aari ni Rita Pilapil nang bumenta lamang ng P32,633.00 mula sa P917,909.00 sa Daily Double sales.
Ngunit sa takbuhan ipinakita ng nasabing kabayo ang magandang kondisyon matapos isantabi ang pagkakalapag sa ikapitong puwesto sa alisan para manalo sa mahigpitang labanan nila ng second choice na Super Charge na hawak ni jockey RR Camañero.
Kinuha ng tambalan ang 1,600m distansya sa bilis na 1:46.2 gamit ang kuwartos na 27, 25’, 25’, 28’ para kunin ng winning connections ang karagdagang P30,000.00 mula sa P50,000.00 na ibinigay ng horse owner na si William Dagan.
Lumabas na pinakadehadong kabayo na nanalo ang Joshua’s Laughter sa gabing ito nang maghatid ng P64.50 sa win, habang mas magandang Pamasko na P2,975.00 ang naipaabot sa 1-5 forecast.
Nabiyayaan din ang mga tumaya sa 1st at 2nd WTA dahil sa naglalakihang dibidendo bunga ng di inaasahang panalo.
Umabot sa P193,466.20 ang dibidendo sa 1st set ng WTA na 4-7-11-7-5-1-8, habang mas magandang P454,457.80 ang ibinigay sa second set ng WTA na binuo ng kumbinasyong 11-7-5-1-8-9-7.
Ito ang huling araw ng pangangarera sa bakuran ng Philippine Racing Club Inc. at si Alvarez ang lumabas bilang winningest jockey taglay ang dalawang panalo
Naunang nagtagumpay si Alvarez ang kabayong Pro Rata sa 2YO Maiden-M2 karera sa race 2.
Ang nagpasikat na kabayo ay walang iba kundi ang Boss Jaden na dinomina ang Philracom Juvenile Championship para hablutin ang P1.5 milyong unang gantimpala.