MANILA, Philippines - Nagpasabog ng personal conference-best 34 points si James Yap para pamunuan ang 106-82 pananambak ng San Mig Coffee sa Rain or Shine kagabi sa Mall of Asia Arena na nagtabla ng kanilang best-of-seven semifinals series sa tig-isang laro.
Nagtala ng 16 puntos si Yap sa third quarter kung saan kumawala ng husto ang Mixers tungo sa kalamangang umabot ng 25 puntos matapos nabaon ng umabot sa 11 puntos sa first quarter.
“Medyo naisip ko lang na pinahirap ko masyado ang laro ko sa Game 1 kung saan puro drive ginawa ko. Naisip ko na nakalimutan ko na yata na may outside shot ako kaya ‘yun ang ginawa kong adjustment sa game na ‘to,” pahayag ni Yap, ang two-time MVP ng liga, na nagtala ng career-best pitong triples at nakahatak din ng 10 rebounds para sa kanyang unang double-double sa conference.
Sa second half na nabansagan ni head coach Tim Cone bilang ‘picture-perfect second half,’ na-outscore sa katunayan ng San Mig Coffee ang Rain or Shine, 68-42, ang 68 ang pinakamataas na naiskor ng kahit anong koponan sa conference sa kalahating bahagi ng laro na mataas pa sa mga iniskor sa buong laro ng Talk ‘N Text at Alaska sa kanilang Game 1 sa kabilang best-of-7 semifinals noong Miyerkules na napanalunan ng Tropang Texters, 66-65.
Ang tig-12 puntos naman nina Larry Rodriguez at JR Quiñahan ang nagbida para sa Rain or Shine.