BOSTON -- Umiskor si Paul Pierce 22 sa kanyang 27 points sa second half para tulungan ang Boston Celtics sa 108-100 panalo laban sa Oklahoma City Thunder.
Tinapos ng Celtics ang kanilang two-game losing skid sa pagpapayukod sa nagdedepensang Western Conference champions.
Nagdagdag si Kevin Garnett ng 18 points at 9 rebounds para sa Boston, habang naglista si Rajon Rondo ng 16 assists at 8 rebounds.
Tumipa naman si Kevin Durant ng 29 points para sa Oklahoma City.
Nakalapit ang Thunder sa tatlong puntos sa huling dalawang minuto ng fourth quarter matapos tambakan ng 14 ng Celtics.
Ngunit naimintis ni Durant ang isang 3-pointer na siya sanang nagtabla sa Oklahoma City sa Boston.
Nag-ambag si Russell Westbrook ng 26 points, 8 assists at 7 rebounds, samantalang nagposte si Serge Ibaka ng 17 points at 13 rebounds para sa Thunder.
Kinuha ng Boston ang 84-70 abante mula sa isang tres ni Pierce hanggang makadikit ang Thunder sa 87-93 galing sa tres ni Durant at dunk ni Ibaka.