MANILA, Philippines - Positibo pa rin ang pananaw ni Kiefer Ravena sa gagawing kampanya ng Ateneo Blue Eagles sa 2013 UAAP season na kung saan ikaanim na sunod na titulo ang balak nilang dagitin sa men’s basketball.
Wala na sa susunod na taon ang mga higanteng sina Greg Slaughter at Nico Salva habang bagong coach ang uupo sa bench pero tiwala si Ravena na makakahanap ng paraan ang mga bagong didiskarte para matabunan ang magiging pagkukulang ng team.
“Halos 70 percent ng inside points namin ay galing kina Greg at Nico. Pero naririyan pa rin naman kami nina Juami (Tiongson) at Ryan (Buenafe) at sa tingin ko ay puwede nating daanin sa bilis ang laro next year,” wika ni Ravena.
Nanguna ang sophomore guard ng Ateneo sa mga dumalo sa Samsung-UAAP Sixth Man Peoples Choice Awards Night noong Miyerkules ng gabi sa Shangri-la Hotel sa Makati at si Ravena ay ginawaran ng tropeo bilang Mythical team member at Most Valuable Player.
Nagsagawa ang Samsung ng on-line voting sa mga panatiko ng UAAP upang malaman kung sino ang pinaka-popular na manlalaro ng liga at bukod kay Ravena, nasama sa Mythical five sina Slaugher, Salva, Kevin Ferrer ng UST at Gelo Montecastro ng UP.
“Hindi ako mabibigyan ng ganitong parangal kung di sa tulong ng media na kahit masama ang laro ko ay maganda pa rin ang naisusulat sa mga pahayagan,” banggit pa ni Ravena na tulad ng ibang kinilala ay tumanggap ng Samsung Galaxy Tab 10.1.
Si Chiqui Torres-Tan, corporate marketing head, at Dan Torres, AV marketing communications manager, ang nanguna sa Samsung.
Napasama sa kinilala sina Ateneans Myca Maala at Selina Dagdag bilang Samsung Stunner at Best Courtside reporter habang ang UE, La Salle at UP ang nalagay sa unang tatlong puwesto sa Samsung UAAP Assist.
Ito ang ikalimang taon ng tambalan ng Samsung at UAAP at tiniyak ni Torres-Tan na gagawa pa sila ng mga inobasyon para mas pagtibayin ang samahan ng UAAP at Samsung papasok sa Season 76.