MANILA, Philippines - Hangad ng San Mig Coffee at Meralco ang pagsosyo sa pangalawang puwesto sa pagharap nila kontra sa magkaibang kalaban sa PBA Philippine Cup eliminations sa Smart Araneta Coliseum.
Makakaharap ng Mixers ang Globalport Batang Pier sa alas-5:15 ng hapon na susundan naman ng bakbakan ng Bolts kontra sa Barako Bull Energy Cola sa alas-7:30 ng gabi.
May 3-2 na panalo-talo karta ang San Mig Coffee na galing sa isang kontrobersyal na 92-91 panalo sa Energy Cola noong Linggo na nagbalik sa Mixers sa win column pagkatapos ng dalawang sunod na pagkatalo sa defending champion Talk ‘N Text at Rain or Shine.
Gusto ng Mixers at Bolts na tumabla sa parehong 4-2 na panalo-talo karta ng Elasto Painters at Alaska Aces sa likod ng 6-0 record ng Tropang Texters.
Umaasa si San Mig Coffee head coach Tim Cone na masusundan ang panalo sa Barako Bull kontra sa isa sa dalawang koponang nasa ilalim ng team standings at inaasahang wala pa ring Gary David na patuloy na ipinapahinga ang kanyang knee injury.
“We weren’t pretty last game and it wasn’t our best effort but we found a way to win,” pahayag ni Cone patungkol sa panalo sa Energy Cola na kanilang nasiguro lamang nang tinapik palabas ng ring ni Rafi Reavis ang bola mula sa isang potential na game-winning basket ni Rico Villanueva sa huling dalawang segundo ng laro na ipinaglaban ng Barako Bull na goaltending umano.
Pero ayon sa patakaran ng liga, hindi bawal ang ginawa ni Reavis, isang bagay na tinanggap na ng Energy Cola at hindi na iprinotesta ang resulta ng laro matapos nakipagpulong kay PBA Commissioner Chito Salud noong Lunes.