NAPANGITI siya nang makita sa malapitan ang musuleyom.
“Okay, puwede na ako rito.”
Bubuksan na niya pero ayaw.
“Nakakandado?”
Sinikap mabuksan pero hindi nangyari.
“Teka, ayaw mo, ha?”
Nakakuha siya ng bato. Pinukpok nang pinukpok ang kandado.
Hanggang sa nainis, nagalit. “Bwisiiit! Kailangan ko ng maganda-magandang matulugan, ‘di puwedeng hindi kita mabubuksan!”
Kumuha pa ng mas malaking bato. Pukpok na naman.
“Ayaw ng hayuuup na ‘to!”
Sobra na ang galit niya. Huli na nang maisip ni Leilani na hindi dapat.
Dahil may pangit na resulta.
At doon nga biglang umigkas na lang ang likuran niya dahil ang mga malalaki at maiitim na pakpak ay muling lumitaw.
At parang binunot ang kanyang dila, napahiyaw sa sakit. “AAAHHHHHHH!”
Iyon pala, humaba nang bigla, lumawit na ng lampas sa kanyang leeg ito.
At bigla na ring naiba ang kani-kanina lang ay napakakinis na kutis, naging pabulok na.
Naglabasan ang mga uod sa mga laman na nauuka. Ang kanyang bibig na halos lusaw na at mga ngipin na nagsisilipan ang mga uod … kung ano siya dati.
Nayanig si Leilani.
Ito ang kinatatakutan niyang mangyari. At nangyari na dahil nagpadala siya sa galit.
“Hindiiiii!”
Ang galit ay naibunton sa pinto ng musoleyom. Ang advantage ng pagbalik ng kanyang pagiging flying zombie ay ang sobra niyang lakas.
Kaya isang hablig lang, nabuksan agad ang pinto ng musoleyom.
Nagtuluy-tuloy pa rin ang galit ng flying zombie. Nagwasak sa loob ng musuleyom.
Hindi niya matanggap na nakakapandiri na naman siya. Lahat na mahawakan sa loob, mga flower vases na may laman pang mga natutuyong bulaklak, mga candle holders na may mga kandilang noon ay natunaw ngayon ay tuyo na. Bato rito, bato roon. - ITUTULOY