Maliit ang ulo at mahaba ang bibig na may maliliit na ngipin ng mga paru-parong isda. Ang malapad na hugis ng kanilang katawan ay nakakatulong sa kanilang mabilis na paggalaw. Ang palikpik sa gilid naman ang nagkokontrol kapag nakahinto sa gitna ng tubig.
Sila ay matatagpuan sa mga bahura at batuhan at gayundin sa tropikal at subtropikal na dagat ng East Coast Africa hanggang Tsina, Pilipinas, East Indies, at Australia. Makikitang lumalangoy at sumusuot sila sa mga koral habang naghahanap ng makakain. Dahil sa kanilang bilis madali nilang natatakasan ang ibang hayop na nangangain sa kanila. Kinakain nila ang mga maliliit na hipon at talangka, mga bulati sa dagat, halamang dagat at iba pang maliliit na organismo. Nagpaparami sila sa mabababaw na dagat at nangingitlog sa malawak na karagatan.
Ang mga isdang ito ay karaniwang naaakit ng liwanag. Sa pamamagitan ng ‘dip net’, ang mga isdang ito ay mahuhuli sa pamamagitan ng pangingilaw sa karagatan sa mga gabing walang buwan. Ang mga isdang ito ay karaniwang inaalagaan sa mga akwaryum.
Ang pamamalagi nila sa dagat ay nangangahulugan ng malinis at malusog na bahura.Source:Philmuseum