Car cemetery sa Sweden, paraiso para sa mga mahihilig sa lumang sasakyan

Marahil ay totoo nga ang kasabihang ‘one man’s trash is another man’s treasure’ para sa mga mahihilig sa mga vintage na sasakyan.

Ang inaakala mong tapunan lang ng basura ay maaa­ring unique haven para sa mga car lover at photographers na naghahanap ng mga bagong destinasyon, at pasok dito ang Kyrkö Car Cemetery na matatagpuan sa masukal na lugar sa Sweden.

Si Ake Danielsson ang nakaisip na gawing tambakan na lang ng mga kotseng hindi na ginagamit ang lugar dahil sayang naman daw ang espasyo.

Sa paglipas ng mga taon, nangongolekta na rin si Danielsson ng mga abandonadong lumang sasakyan na pinabayaan na ng mga may-ari.

Sa kalaunan ay nakagawa ng art si Danielsson gamit lamang ang mga lumang auto-parts. Nakagawa siya ng shredder sa pamamagitan nito.

Hindi nagtagal ay naging matunog na ang pangalan nito sa mga turista, at dumating sa punto na muntik nang ipasara ng gobyerno dahil sa nagkalat na scrap metal sa lugar na maaaring makasama raw sa environment. Pero ipinagtanggol si Danielsson ng mga nagpupunta rito, pati na rin ng mga journalist, kaya hindi natuloy.

Taong 2000 nang yumao si Danielsson pero binibisita pa rin ito ng mga gustong makakita sa kakaibang lugar.

Show comments