Nakasanayan ko na ang magsulat ng diary mula elementary na requirement sa amin sa Isabelo Delos Reyes sa Tondo. Nakailang diary na ba ako na hindi ko na mabilang. Hindi ko alam na ito ang magiging tulay upang maintindihan ako ng dalaga kong anak.
Marami kaming hindi pinagkakasunduan. Feeling ng anak ko ay kontrabida ako sa buhay niya. Ang dating sa teenager ko ay nagpa-power trip lamang ako dahil ako ang nanay. Minsan ay nagulat ako nang ginising niya ako habang natutulog. Nagtaka ako kung anong nangyari dahil iyak siya ng iyak. Yun pala nabasa raw niya ang diary ko. Kung paano kung siya ay iningatan at minahal mula nang isilang ko sila ng kakambal niya. Nabasa rin niya ang lahat ng hirap ko mula sa pagbubuntis hanggang sa manganak ako.
Panay ang hingi ng sorry at niyayakap na ako dahil ngayon lang daw niya naintindihan kung bakit sobra ang paghihigpit at pangaral ko sa kanilang magkapatid. Actually hindi ko na maalala kung anong laman ng diary ko, pero salamat na naintindihan nila kung gaano magmahal ang isang inang katulad ko.