Ang mga cabinet ang nagsisilbing “sentro” ng mga kusina at banyo dahil sa mahalagang gamit nito. Nagsisilbi itong lalagyan/taguan at dagdag disenyo at pampaganda rin sa mga nasabing parte ng ating mga bahay.
Ito rin ang isa sa mga pinakamahal na permanent fixtures dahil nga sa matagalang gamit nito.
Ang pagkasira at pagkaluma ay natural lang. Lumuluwang ang mga pituan, nagdidikit ang mga drawer, kumukupas, at nagagasgas ang mga ibabaw.
Isa sa mga nagiging problema sa mga drawer sa cabinets ang pagkasira ng drawer glides. May mga kasong madali lang solusyunan tulad ng pagkatanggal ng mounting screw. Maaari bumili at palitan ang mga screw kung kinakailangan. Kadalasan din ay nayuyupi o talagang bumibigay ang glides. Sa ganitong problema, ang pinakamadaling solusyon ay palitan ito ng bago.
Para sa pinakamadaling pagpalit nito, bumili lang ng prefabricated metal ball-bearing glide sets depende sa style at type ng nakakabit sa inyong drawers.
Tanggalin ang drawer, hilain, at iangat ang harap na bahagi nito para makalas sa track. Tingnan ang glides sa drawer at loob ng cabinet. Kung ito’y nayupi lang o na-misalign, ayusin ang porma nito gamit ang pliers. Pero kung may naputol o nasira, i-unscrew ang mga glide sa magkabilang gilid ng drawer at sa loob ng cabinet. Magdala ng sample sa hardware ng glides na inyong bibilhin para sa reference. I-screw ang mga bagong glides at ibalik ang drawer sa cabinet.
Madali lang kumpunihin ang mga sira sa ating mga kagamitan. Kailangan lang i-tsek kung pareho ba ang mga materyales na gagamitin sa pagkukumpuni.
Ito po ang inyong Kumpunerong Kuya na nagsasabing, kung gusto ay maraming paraan!