TAHIMIK lang naman ang mga kapamilya ni Avia sa hapag-kainan. Walang panunumbat. Walang nagtatanong.
Pananghalian, ganoon pa rin. Puro prutas lamang ang kinain ng mag-sweetheart. Tiniis na lang ang bango ng mga ulam.
Sa dinner, umasim na ang mga tiyan nina Avia at Armani sa puro prutas. Kaya hindi na lang sila nag-join sa magarang hapunan.
Biscuits at kape ang kanilang hapunan. Nasa terrace sila.
Nagulat na lamang si Armani nang sabay-sabay na lumapit sa kanila ang mga kapamilya ni Avia. Hindi maipinta ang mukha ng mga ito. Saglit lang tumingin kay Avia, mas kay Armani sila tumutok.
“Dahil sa iyo kaya hindi nag-hunt ng pagkain niya si Avia. Pareho tuloy kayong kulang sa tamang pagkain. Ang protina ay kailangan ng katawan. Manghihina si Avia kapag laging ganito. Kung sanay ka sa puro prutas, puwes, si Avia ay hindi.” Nagsalita ang ama.
Nanliit si Armani, siya man ay guilty na guilty na nagugutom ang kanyang nobya.
“Kasalanan ko nga po siguro.”
“Naririto ka sa aming mundo, respetuhin mo. Mahal ka ng aming anak kaya kahit mali na, ikaw pa rin ang pinagbibigyan niya.”
Idinepensa naman siya ni Avia. “Papa, Mama at mga kapatid ko ... ako naman po ang nagkusang nagpasya na hindi na muna ako maghahanap ng makakain. Saka okay lang po talaga ako sa mga prutas. Paborito ko rin naman po sila.”
“Huwag ka na ngang magpanggap, sis. Bakit di mo pagsabihan itong nobyo mo na umayos siya. Kung hindi, ililipad namin siya pabalik sa Maynila.”
Kinabahan si Avia. Pati si Armani, pinawisan.
“Huwag naman po, mga kapamilya. Bigyan pa po natin siya ng maraming pagkakataon.”
“Hindi puwedeng marami. Kailangan may limitasyon tayo sa pagbibigay ng chance sa kanya. Kung hindi ay ikaw ang mapapasama.”
“Teka, walang ideya ang Armaning ito kung paano mailipad pabalik ng Maynila. Pwede bang bigyan natin siya ng experience?” Nakangising tanong ng panganay na kuya.
“Good thinking! Baka matuto nang magdisiplina ng sarili kapag naranasan niya.” Bumungisngis naman ang panganay na ate.
“Please, Kuya ... Ate. Huwag ho—“
Pero bago pa matapos ang sentence ni Avia, nadagit na pataas sa ere si Armani ... ng kuya at ng ate ni Avia.
- ITUTULOY