NABIGLA pa si Armani dahil nang sumayad sa dila niya ang pagkain ay parang nadulas lang ito doon at agad tumuloy sa kanyang lalamunan.
Malinamnam, masarap … walang ibang lasa kundi kagustu-gusto ng kanyang taste bud.
Agad kumuha sa mga lalagyan ng lahat na klase nang putahe si Armani at inilagay sa kanyang plato.
“Love, kain na …” Siya pa ang nagyaya kay Avia.
Tuwang-tuwa naman si Avia. “Oo, love. Talagang kakain na kami. Kasi nagawa mo na ang unang pagsubo.”
Nagsipagtanguan ang mga kapamilya ni Avia, lahat na mukha ay maaliwalas sa ngiti. Tumango pa ang mga ito.
At sabay-sabay nang nagkutsara ng pagkain para ilagay sa mga sariling plato.
Hindi na rin naman sila napansin na ni Armani dahil napatutok na ito sa pagkain. Ganadong-ganado.
Muntik pa ngang mabilaukan.
Maagap si Avia sa pagkuha ng isang basong tubig at agad ipinainom kay Armani. “Armani, mahal … dahan-dahan lang naman nang kain. O dali, inom na.”
Naubo pa nang maraming beses si Armani saka lang nakahinga. “Sorry …”
Nakatingin na naman sa kanya ang lahat na nasa mesa.
“S-sorry po talaga … napasarap lang kasing masyado.”
Hindi pa rin kumibo ang mga kapamilya ni Avia pero maya-maya unti-unti, sabay-sabay na tumawa.
HAHAHAHA HEHEHEHE HIHIHIHI!
Takang-taka naman si Armani kung sino o ano ang pinagtatawanan.
“Mahal, nakakahiya yata ako a …”
Nakangiting sumagot si Avia. “Mahal, naaliw lang sila sa ‘yo. At natuwa dahil gustung-gusto mo ang aming pagkain.”
“Gano’n ba? Natuwa pala sila sa akin kasi … nasamid ako?”
“Nasamid ka kasi nasarapan ka. Natanggap mo na talaga kami. Naniniwala kasi kami na kapag tanggap ang aming pagkain, tanggap din ang aming pagkatao.”
“Mahal, kahit naman siguro walang pagkain, masasabi kong tanggap na tanggap ko ang pagkatao mo pati na rin nang buong pamilya mo. Kaya naman sumama ako sa iyo rito. Medyo nasisilat lang talaga ako paminsan-minsan kaya pasensya na kayo doon.” Itutuloy