Island of the undead 148

KAHIT masuka-suka sa kabahuan ng silid ni Reyna Coreana, pinilit ni Miley na manatili doon.

May narinig siyang mga paa.

Mga salita. Mga undead soldiers na nagbalik sa puwesto ng pagbabantay sa “natutulog” na masamang reyna.

Napilitan tuloy si Miley na humiga sa kama ng reyna.

“Uuuuhhhhmmmnnn...” Napaungol siya nang mahina, tinitiis kasi niya ang kabahuan at pandidiri na siya ngayon ay nasa higaan ni Reyna Coreana.

“Aba, binabangungot yata si Reyna Miley!”

Tawanan ang tatlong undead soldiers.

“Hayaan mo na lang. Di naman mamamatay ‘yan. Saka hindi rin ‘yan magigising, may limang oras pa siya bago magising ...”

“Pero teka, naglalakad lang ‘yan kanina sa labas, a. Bakit ngayon, natutulog na?”

“Hindi! Nang umalis kami kanina natutulog ‘yan diyan! Ano ka ba?”

“Pero kaninang nasa labas ako, sinita pa nga kami niyan, a!” Nagkakamot ng ulo ang undead soldier na nakakita kay Miley sa labas.

“Ano ba kayong dalawa? Linawin n’yo nga ang mga utak n’yo, parang kayo ang hindi nakainom ng tsaa na puktakte, a!” Natawa ang isa, nagtawanan na ang tatlo.

Hindi halos humihinga si Miley, takot pa rin na mabuko siya ng mga undead soldiers.

Nagkalituhan na nga ang mg ito kung tulog ba siya kanina o gising. Salamat na lang at hindi na ipinagpatuloy ang pag-a-analyze kung ano ba ang totoo.

Habang kunwari natutulog si Reyna Miley, gumagana ang utak ni Miley.

Diyos ko po, pwede po bang may another miracle? Pwedeng ituro sa akin kung paano ko mapatay ang masamang kapangyarihan ng reynang masama?

Siguro naman po ay may paraan? At gagawin ko po ‘yon. Hindi po namin kasi sila matatalo kung laging nakakagawa by magic ang masamang reyna ng mga higanteng undead soldiers. Dapat po ay mawawala na ang kapangyarihan ni Reyna Coreana para patas ang laban.

Nakinig si Miley, baka may maririnig siyang mga salita ni God. Kahit pabulong sa kanyang utak.

Naghintay siya. Naghintay.- ITUTULOY

 

Show comments