Kabilang sa Sierra Madre Mountain Range ang mas kilala ng ilan na Mt. Maranat, pero alam niyo ba na hindi talaga Maranat ang pangalan ng bundok na iyon kundi Mt. Oriod. Ang Maranat ay pangalan talaga ng talon (Maranat falls) na matatagpuan sa bundok Oriod.
Pag-uuling at pagha-harvest ng bamboo ang pangunahing ikinabubuhay ng mga taga-Maranat sa bandang Rodriquez, Rizal. Gayunpaman, mayaman pa rin ito sa napakagandang tanawin na talaga namang nakabibighani sa sinumang bumisita rito.
Napakalinaw at buhay na buhay din ang tubig sa Maranat falls na siyang pangunahing destinasyon ng mga nagtutungo rito.
Hindi basta-basta mapupuntahan ang Maranat dahil kinakailangn ng sapat na lakas ng katawan at siyempre pa, ng respeto sa Inang Kalikasan. Marami kasing basta na lang na umaakyat ng bundok na wala naman sapat na kaalaman sa Mountaineering at sa kanilang mga destinasyon, ‘yun bang basta lamang nila mapuntahan ang isang lugar at maipagyabang.
Lagi rin sanang tatandaan, respetuhin ang mga kabundukan, h’wag tatakbo sa mga daraanan, h’wag magkakalat, at anumang kalat ang makita ay pulutin ito at ibaba.
Sa ganitong paraan, makatutulong kayo.