Island of the undead ( 39)

“MABUTI pa sana kung nasagasaan siya ng pison kaya namatay!” himutok ni Reyna Coreana. “Kaysa namatay siya dahil sintunado!”

Ang tinutukoy ng reyna ay ang half-brother nitong si Quinito.

“Itanong n’yo kung paano namatay ang kapatid ko, sige...” Nagpapahid ng luha ang ugliest queen on the planet.

Si Duktora Joanne ang kabadong nagtanong. “A-ano po ba ang nangyari?”

“Isang barumbadong lasenggo sa karaoke bar na ‘yon ang labis na nairita kay Quinito. Inilabas ang baon niyang—“

“Ano po a-ang baon ng lasenggo?” mamatay-matay na sa intrigang tanong ng duktora.

“Granada. Fragmentation grenade na ang sinumang masabugan ay patay -agad nang pirapiraso!”

Nayanig sa kalagimang iyon sina Duktora Joanne at Duktor Larry.

“Holly Mother of God!”

“Holly shit!”

Tumigas muli ang mukha ng reyna. “Ngayon, Duktor Larry, bahala ka kung kakanta ka pa ng Granada o hindi. Puwede mo namang sabihing ang kapalaran ni Pedro ay hindi kapalaran ni Juan.”

Iniba ng duktora ang topic. “Mag-proceed na po tayo sa... sa pagsasaayos ng inyong anyo.”

“Hintay, ipakikita ko sa inyo ang gagawin n’yong modelo! Gusto kong katulad na katulad niya ang aking anyo!”

Inutusan ng reyna ang isang tauhang Undead. “Dalian mo!”

SINA Miley at Blizzard pala ang ipinakuha ng reyna mula sa mabaho-maahas na dungeon.

Napakarumi ng young lovers, mabaho ang amoy at halatang mga gutom at uhaw.

“They are starving, Reyna!” puna ng duktora. “Dapat pakainin agad! Otherwise, magiging pangit ang inyong modelo!”

Hindi nakatutol ang napakapangit na reyna. Nakasimangot na pinabigyan agad ng pagkain ang young lovers.

Special canned goods iyon mula sa lumubog na barko sa laot ng dagat. Pinasamahan na rin ng slice bread. (Itutuloy)

Show comments