NATAPOS naman ang impiyerno nina Miley at Blizzard ng araw na iyon. Ang reyna ng mga undead ay napaliguan na rin.
Ang ipinasuot nito sa sarili kay Miley ay ang signature gown na gawa pa ni Inno Sotto, ang famous designer na Pilipino at sikat sa Pilipinas.
“Wow, mahal na reyna ... ang class ng taste ninyo. Gusto ko po ang mga designs ni Inno Sotto. Tulad niyang suot ninyo, ang ganda po.”
“Noong isang taon pa ito nakuha ng mga tao ko sa isang private plane na bumagsak diyan sa dagat. Papunta raw sana ang eroplanong ‘yon sa isang exclusive island ng Pilipinas. For a wedding. Pero minalas nga lang. So, ako ang nakinabang sa gown. May mga kasama pa ito sa water-proof na suitcase na inuwi sa akin. Damit na Chanel. May Vera-Wong. Basta ... kumpleto ang koleksiyon ko ng mga designs ng mga sikat na designers ng mundo.”
“Wow. Napakasuwerte n’yo naman ho. Eh, mahal na reyna ... paano po ba ... kayo napatira dito?” Patuloy sa paghahanap ng kasagutan si Miley tungkol sa mga undead na nilalang.
“Bakit mo gustong malaman?” Nagsuplada na naman ang reyna.
“Very curious po kasi ako na tao, e. Kahit po itanong ninyo kay Blizzard, noong nasa Manila pa kami, lagi po akong nagri-research sa internet tungkol sa lahat nang bagay. Mga pambihirang nilalang po kayo. Kasi hindi kayo namamatay. Kaya very interested po akong malaman.”
Hindi kaagad sumagot ang reyna.
Maya-maya ay dumilim ang expression ng mukha nito.
“Mga isinumpa kami. At napakawalanghiya ang nagsumpa sa amin.”
Kitang-kita ni Miley ang galit ng reyna. At kinikilabutan siya.
“Sino naman po ang nagsumpa sa inyo?”
Parang ayaw sumagot ni Reyna Coreana. Pumikit pa. May balak pa yatang matulog kaysa magkuwento.
“Sige po. Kung sensitive kayo sa isyu na ‘to, sorry na lang po at nagtanong pa ako. Puwede na po ba kaming magpahinga ni Blizzard sa labas? Ipatawag n’yo na lang po kami kung may kailangan uli kayo sa mga alipin ninyo.” Buong galang na sinabi ni Miley.
At bumuntong-hininga lang ang misteryosang reyna. Itutuloy