Nakakaramdam ka na ba ng sobrang problema sa iyong trabaho, relasyon o anumang suliranin sa iyong kapaligiran? Maraming tao ang tinatanggap na lang sa kanilang buhay ang salitang “stress” na bahagi ng kanilang buhay. May mga tao na hindi na inaalam kung anong pinagmumulan ng kanilang stress. Kaya naman hindi mo namamalayan na 24/7 ka na palang stress. Ibig sabihin, sanay na ang katawan mo. Pero, hindi maitatago ng iyong pisikal na katawan ang mga sintomas na nagsasabing nakakaramdam at gusto ng sumuko ng katawan mo sa stress. Obserbahan mong mabuti ang iyong sarili kung nakakaramdam ka ng mga sintomas na ito:
Pananakit ng tiyan – Ang tiyan ang itinuturing na pangalang utak ng iyong katawan. Kapag nakakaramdam ka na mayroong mali sa iyong sarili o may pagkakataon na gusto mong pakawalan ang iyong sarili mula sa isang sitwasyon, bakit hindi ka muna tumigil sa anumang iyong ginagawa at saka mag-relax. Dahil tiyak na ang kasunod nito ay makakaranas ka na ng constipation o kahirapan sa pagdumi o di kaya ay pagtatae, pagkahilo at pagkakaroon ng kabag sa tiyan. Ang mga ito ay senyales na ang katawan mo ay nabubugbog na sa stress. Kaya naman mas makabubuting kumain ng mga masusustansiyang pagkain na makakatulong para magkaroon ng malusog na digestive system, kahit pa nakakaranas ka lagi ng stress.
Panginginig – Ang panginginig ng muscles o kalamnan ng iyong katawan ay indikasyon na may tensiyon ka. Kapag iritable ang pakiramdam ng iyong mata, sintomas din ito na stress ka. Ngunit kung ang buong mukha mo naman ang nanginginig o nangangati madalas, hindi ito dapat ipagwalang-bahala, dahil ang kasunod nito ay ang pagkakaroon na ng anxiety at depresyon.
Kung ganito ang nararamdaman, dapat na magpahinga agad. Magsagawa rin ng paghinga ng malalim habang nakapikit ang iyong mga mata. Puwede rin maglagay ng maligamgam na tubig sa bote sa ibabaw ng iyong mata para makaramdam ito ng ginhawa.
Pananakit ng likod – Ang pananakit ng iyong likod, leeg at lower back ay isang indikasyon na namumuo ang tensiyon at stress sa iyong katawan at kailangan mong mailabas ito. Hindi nakakatulong ang mga gadgets na uso ngayon dahil mas pinapasakit lang nito ang iyong leeg at likod. Ang solusyon nito ay ang pagkakaroon pa rin ng maayos na pahinga at pagpapamasahe ng katawan.