BWUUUT. BWUUUT, BWUUUT. Panay ang silbato ng padating na tren. Natanaw ng makinista ang katauhang nakatayo sa mismong gitna ng riles.
Gumamit ng largabista o binoculars ang assistant ng makinista.
Nagkandautal ito sa takot. “M-Merong zombie... isang pagkapangit-pangit na zombie!”
“Pero araw na araw. Sa gabi dapat silang manakot...” Hindi malaman ng makinista ng tren kung hihinto o magtutuluy-tuloy.
WALANG planong umalis sa riles si Eugenio. Desidido ang zombie na wakasan na ang buhay.
Nagtakip ng mata ang makinista, umusal ng dasal.
“Bahala ka na po, Lord. Your will be done po, Panginoon”.
TSUG-TSUG-TSUG-TSUG. Nangibabaw sa tahimik na kabukiran ang ingay ng mabilis na tren.
“HUWAG! HUWAAAAG!” napakalakas na sigaw ni Shirya, tumatakbong walang saplot, nais iligtas si Eugenio.
Ang mga sakay ng tren ay napamulagat sa kakaibang tanawin. Bahagi ba ng isang movie shoot ang babaing tumatakbo nang hubo’t hubad?
Kanya-kanyang kuha ng photo and video ang mga nasa tren. Aliw na aliw sila sa inaakalang eksena sa pelikula.
Binilisan ni Shirya ang pagtakbo kay Eugenio, nais ng diwata na huwag madurog ng tren ang lalaking tanging minamahal.
Ilang dipa na lang ang layo ng tren. Ginawa na ni Shirya ang imposible.
Sa ga-hiblang distansiya ay sinuwag ng diwata si Eugenio. TAGG.
Tsug-tsug-tsug-tsugg. Tuluy-tuloy ang tren. Hindi nito alam ang salitang awa; ginagawa lang ang tungkulin—ang tumakbo habang kayang tumakbo.
Ano na ba ang nangyari? Magkayakap bang nalasog ng tren sina Shirya at Eugenio? Napalis na ba sa mundo ang dalawa?
Buhay sina Eugenio at Shirya. Luhaang yakap ng diwata ang nabubulok na zombie. Wala na siyang pakialam na ang binata ay napakabaho.
“Mahal kita, Eugenio. Mahal na mahal kita.”
Super-layo na ang tren. Hindi alam ang nagaganap na drama. (Itutuloy)