Patay na ako, mahal (37)
SUMASAGAD na ang kalituhan ni Avery sa kanyang kalagayan. Kung siya ay ispiritu na lamang, bakit hindi siya makalipad?
Kung siya naman ay hindi spirit, kung solido ang anyo, bakit hindi siya makita ng mga tao?
Ang higit na bumabaliw kay Avery sa mga sandaling iyon ay ang pagkakabaril kay Russell ng babaing merong bitbit na bayong.
Agaw-buhay na nang isugod si Russell sa ospital. “My God, baka sa mga sandaling ito ay patay na si Russell! Hindi ko man lang nadaluhan sa sandali ng krisis ang aking mahal!”
“Ano ang gagawin ko, Lord?” nakatingalang tanong niya sa Langit, bumabalong ang luha.
Panatag ang kaitaasan, walang sagot. Pakiramdam ni Avery ay wala nang kakampi.
Pero ang matalas niyang pandinig ay may nasagap sa labas ng perimeter wall ng memorial park na iyon.
Halinghing ng kabayo. Ihihi-i-i-ingg. Ihihi-i-i-ingg.
Biglang naalala ni Avery ang asyenda nila noong siya ay dalagita pa. Maraming kabayo sa asyenda at mahilig siyang mangabayo.
Sa totoo lang, kaya niyang makipag-usap sa mga kabayo. Siya ay isang pinagpalang horse whisperer.
Tinawag niya ang kabayong nasa labas ng perimeter wall, sinipulan ito. TWIIIITT. BWIIITTT.
Ang kabayong nakasingkaw sa puno sa labas ay kumawala. IHI-I-I-INGG.
At mabilis nang tumalon sa perimeter wall, nakalundag sa loob ng memorial park—malapit sa kinaroroonan ni Avery.
KABLAAG.
Makisig ang kabayo, tipong pangarera. Lumingon ito kay Avery.
Kinausap ito ng dalaga, sa isip lamang. “Horsey, halika.”
Maamo kay Avery ang kabayo, mahinahong lumapit sa dalaga.
Binulungan ito ni Avery. “Horsey, dadalhin mo ako sa kinaroroonan ni Russell, sa ospital.”
Sumagot ang kabayo, sa isipan nito. “Opo. Sakay na po.” (ITUTULOY)
- Latest