HABANG kumakanta ng acapela ang tiyahin, pikit-mata nang isusubo ni Avery ang kutsarang puno ng bubog.
Nakumbinsi na siya ng tiyahin na iyon ang solusyon para siya maging ganap nang patay; na siya’y maililibing na sa musoleyo katabi ng mga magulang.
“Hindi na ako makadarama ng gutom at uhaw at sakit ng kalooban,” ulit pa ni Avery sa sarili.
Nakadikit na sa kanyang lower lip ang kutsarang puro bubog; ga-hibla na lang ang layo niya sa hinahangad na kamatayan.
“AVERY!”
Napaigtad si Avery, nabitiwan ang kutsarang puno ng bubog. KRAASSPLIINK.
Nagulat din si Tita Soledad, nabosesan ang nasa labas ng musoleyo.
“Ang makulit na binata!”
“S-si Russell...?”
Si Russell nga. “AVERY, MAPAPATUNAYAN KONG BUHAY KA!”
Narinig iyon ng magtiyahin, parehong natigilan.
Kinakabahan si Tita Soledad, nakakaamoy ng malaking problema; kung puwede lang ay nais na niyang patayin ang binatang makulit.
Si Avery ay litung-lito na naman. Buhay daw siya!
“Impaktong ulul!” gigil na sabi ni Tita Soledad.
“P-po?”
“Hindi ikaw, Avery, ‘yung pakialamerong lalaking ‘yon!” Tinapunan ng tingin ng tiyahin ang saradong pinto ng musoleyo.
“Tita Sol, kaya daw niyang patunayan...”
“Gaga!”
Impit na napaiyak ang dalagang naniniwalang patay na, habag na habag sa sarili.
Pero saglit lang iyon, nakabawi agad. “Tita Sol, kailangan ko ng high-tech computer at latest edition ng makapal na diksiyunaryo!”
Namangha ang tiyahin. “Inuutusan mo ako, Avery? Akong tita mo?”
“Mayaman kami ng parents ko! Caretaker ka lang ng yaman namin, Tita Soledad! At oo, inuutusan kita!”
PAK. PAK. Dalawang beses lumagapak sa sampal ang magkabilang pisngi ni Avery. “Istupida!” (Itutuloy)