KINUSUT-KUSOT ni Russell ang mga mata, tinitiyak na hindi siya pinaglalaruan lang ng paningin.
Ipinilig-pilig din niya ang ulo, sinisigurong siya ay nakakapag-isip nang tama, hindi nababaliw.
Nakumbinsi naman siya na siya ay may matino pang isip. Kung gayo’y totoong may nang-istorbo sa kanyang magandang dalagang nakaputi, na ngayo’y kita niyang papasok na sa musoleyo.
Tama lang ang tanong niya dito. “Hey, miss, sino ka nga? I didn’t even know your name!”
Siya ay nakapagpakilala na sa nakaputing babae; alam nang Russell ang ngalan niya.
Pero hindi siya pinansin ng misteryosang babae, nagtuloy na ito sa loob ng musoleyo.
Hinabol ito ni Russell pero nakapagsara na ito ng antigong pintong Narra; wala nang matatanaw sa loob ng musoleyo.
TOK-TOK-TOKK. Kumatok si Russell, may kasamang pakiusap.
“Hindi ako masamang tao, miss! Nahihiwagaan lang ako sa iyo! Inabala mo kasi ako sa puntod ng nanay ko!”
Pero katahimikan ang naging tugon kay Russell, wala talagang nagbukas sa kanya ng pintuan.
Napabuntunghininga si Russell, nagsisimula nang magngitngit, hindi sanay na nire-reject.
Nakaisip tuloy gumanti. Iinisin niya ang babaing nasa loob ng musoleyo.
Si Avery ay nakikiramdam, alam na nasa labas pa ng musoleyo ang lalaking ang ngalan ay Russell.
“Miss, you have 3 minutes! Kapag di mo man lang ibibigay sa’kin ang name mo, mapipilitan akong binyagan ka ng bagong pangalan!”
Napakunot-noo si Avery, kulit na kulit na kay Russell. Nais na nais na niya itong murahin, itaboy.
Kaso ay naalala ang kalagayan. Hindi na nga pala siya dapat makialam sa buhay ng mga taong buhay.
“Miss, your time is up! Mula ngayon, tatawagin kitang si Bangekngek!”
Ayaw ni Avery ng BANGEKNGEK. Super-galit siya kay Russell. (Itutuloy)