Ang babaing kinakain ang lahat (20)

IBINAGSAK ni Tatiana sa kama ang walang malay-taong ama-amahan. Nayanig ang buong katawan ni Almario; nakadama ng galit si Sofia sa babaing kinakain ang lahat ng bagay.

“Napakawalang respeto mo sa mister ko, Tatiana! Pati ba takbo ng utak mo’y bakuko na?”

Salag agad si Tatiana. “Hindi ko po alam ang ‘bakuko’, Mommy”. “Bakuko means crooked! Your mind is crooked!”

Nagalit ang babaing anak ni Garnuk. “I’m not crooked, Mommy! Ikaw ang merong mali na definition ng bakuko!”

“Whaaat? Ako pang teacher ang sasabihan mong mali, Tatiana?” Lalo namang nagalit si Sofia. “Walanghiya ka, sinaktan mo ang mister ko!”

Dinaluhan niya ang asawa. “Almario, gumising ka! Hindi ka puwedeng magkasakit! Pinukpok kita dahil babarilin mo sa ulo ang anak ko!”

“Uuunnn”. Buhay pa naman si Almario, nagkakamalay-tao na.

“I’m sorry kung nabukulan kita, Almario!” Niyakap ni Sofia ang mister. Sapo nito ang ulo.

Naalala ang natuklasang katotohanan tungkol kay Tatiana. “May kamatayan ang anak mo, Sofia! Hindi siya immortal!

“Sofia, kayang-kaya ko siyang patayin!”

Si Tatiana ay lumayo sa eksenang iyon. Tumanaw ito sa labas ng bintana ng bahay.

“Hindi ko pinagsisisihan ang ginawa kong paghagis sa kama kay Almario. Kaaway ko siya, kaaway niya ako...”  Bubulungbulong sa sarili si Tatiana. “Sana nga’y mamatay na siya para kami na lang dito ni Mommy”.

Minsan pang tumutol si Sofia sa banta ni Almario. “Kapag pinatay mo si Tatiana, Almario, ako’y mababaliw...

“At alam mo ang mangyayari kapag ako’y naloka, ha, Almario?”

Nakikinig lang ang mister, sinasarili ang ngitngit.

“...Ako’y hahalakhak, tatakbo sa gitna ng kalye na nakahubo’t hubad, kita ang lahat-lahat sa akin!”

Napalunok si Almario, hindi ma-imagine na ang kagalang-galang na teacher-wife ay pinagpipistahan ng mga mata ng kalalakihan.

 “And who knows, Almario, maraming la­laking gagalaw sa akin... after all, maganda pa ako...”                                           (ITUTULOY)

Show comments