Dear Vanezza,
Isa po akong misis na mayroong 5 anak. Ang problema ko ay ang aking mister. Pakiramdam ko ay de-numero ang kilos ko kapag siya ang aking kasama. May mga expressions kasi ako na ayaw niya. Gaya ng pagtawa ng malakas, pagdighay ng malakas, at mga expressions na “ngek”, “nye”. Kaya minsan, kahit wala kaming dapat na pagtalunan ay nagkakaroon kami ng argumento dahil palagi niya akong sinisita kahit sa mga maliliit na bagay na masasabi kong natural lang naman sa akin at hindi naman ako nagpapa-cute. Minsan tuloy mas gusto kong kasama ang ibang tao kaysa sa kanya. Kasi nailalabas ko ang kakulitan ko, ang natural ko at kaartehan ko. Ano ba ang dapat kong gawin para matanggap niya kung anuman ako? Sa kabila nito, mahal ko siya kahit nahihirapan akong makitungo sa kanya dahil sa sobrang pagiging istrikto niya. - Marcia
Dear Marcia,
Mukhang may pagka-konserbatibo ang mister mo at sa tingin n’ya hindi ka na bata para umarte ng ganun. Kung madalas na pinagmumulan ng inyong pagtatalo, mabuting sundin mo na lang ang gusto niya. Tutal expressions lang naman ang ibinabawal niya kaya pagbigyan mo na. Bumawi ka na lang kapag hindi mo siya kasama, para lang maiwasan ang alitan na maaaring mauwi pa sa matinding away.
Sumasaiyo,
Vanezza