MABABAW ang tulog ni Miranda , kasama ang biyenan at hipag sa silid ng mga ito.
Ayaw niyang makita si Simon, hindi malimutan na nagtangka itong patayin siya dahil sa selos.
May malamig na hangin na nadarama si Miranda, mula sa isang sulok ng maliit na kuwarto.
Dama niyang nakabantay si Carlo a.k.a. ‘Padre Tililing’.
Napaluha na naman nang tahimik si Miranda. Dalawang lalaki ang nagpapahirap sa kanyang puso at damdamin.
Isang patay at isang buhay. Si Carlo at si Simon.
Kinausap niya ang first love, sa isip lamang. “Carlo, bakit...?”
Bakit daw nananatiling nakasubaybay sa kanya ang multo?
Sa isipan din siya sinagot ni Carlo Tililing. “Hindi ko alam kumbakit, Miranda. Ilang ulit ko nang itinanong kay Lord. Wala namang sagot.”
“In love ka pa ba sa akin, Carlo?”
Saglit lang napipi ang multo. Sumagot din. “Lagi naman kitang mahal, Miranda. Tanging ikaw lamang...”
Humikbi na si Miranda. “But why, Carlo? Alam mong walang patutunguhan ang pag-ibig mo. Bakit hindi ka pa mag-move on?”
“Corny ako, Miranda—naniniwala pa ring first love never dies.”
Tahimik na lumuha si Miranda. Nasulyapan niyang tulog na tulog pa ang biyenan at ang hipag. Tinalo ang mga ito ng sobrang pagod nang sinundang araw.
Tumulong kasi ang mag-ina sa pagyayaman sa mga bangkay na nasawi sa plane crash.
Sa silid nina Simon at Miranda, si Simon ay mabilis na lumabas ng bahay. Lalong mabilis na nanakbo.
Ibabangga niya ang ulo at katawan sa nag-iisa nilang kalabaw. Ewan kumbakit.
“GIYAAAHH!” sigaw ni Simon, pasalpok na sa walang kamalay-malay na kalabaw pang-araro. (ITUTULOY)