WEEEEE-WEEE-WEEE! Dinig nina Miranda at Simon ang ingay ng ambulansiya. Sila na palang mag-amo ang lulan.
Si Miranda ay bulung nang bulong. “Simon, nakagat na ba tayo? Wala na ba tayong mga paa at kamay?”
Iwinagayway ni Simon ang mga kamay. Tiningnan din ang estado ng katabing amo.
Pareho pa silang buo ni Miranda. “Kumpleto pa po tayo, Mam Miranda.”
“Oh my God, maraming-maraming salamat po! For the gift of life!”
Umiiyak si Miranda, taos-pusong nagpapasalamat.
Nahilam sa luha ang mga mata ni Simon. Napakasarap sa kalooban na merong tao na nagbabalik-loob sa Diyos.
Ang alam nila’y ipinasok sila sa ospital. Hindi na nila alam kung nasaang bayan sila.
Hindi na rin nila alam ang sumunod na mga pangyayari.
Kung sila ay nasa limbo, kung sila ay patungo nang impiyerno o kalangitan.
Mahabang paghihintay. Hindi nagtataksil ang kanilang kamalayan.
Naririnig nina Miranda at Simon ang tunog ng mga instrumentong pang-opera; siguro nga’y inooperahan na sila.
Sila ba ay mamamatay? Sabay kaya silang patutungo sa final destination bilang tao?
MAGKATABI ang kama nila ni Simon nang sila ay magising. Nakangiti ang mga babae at lalaking mga nakaputi.
Natiyak nina Miranda at Simon na walang mga pakpak ang mga ito.
“Ligtas na po kayo sa kamatayan,” nakangiting sabi ng bata pang babae.
Napaluha ang smuggling queen; nalunod na yata sa kabaitan ng Diyos.
“Narinig mo, Simon? Buhay pa tayo.”
Pinisil ni Simon ang mga kamay ni Miranda. Alam na niyang buhay sila. God is good.
Ipinasyal sila ng hospital staff sa mahanging labas ng pagamutan. Pati ba paggaling nila ay super-bilis?
They see smiling faces; mga mukhang nakangiti, masasaya.
Ito na ba ang Shang-rila? Ang paraiso sa dako pa roon?
Dinala sila sa dining area. Maraming tao roon tulad nila—mga naka-wheelchair. (ITUTULOY)