The ghost of ‘Padre Tililing’(24)

NASAKSIHAN  ni Mang Goryo at mga mangingisda ang nangyari kina Antonya at Arnold. Nalagim sila sa sinapit ng dalawang tauhan ni Miranda.

Hindi nakatiis si Mang Goryo, nagreport agad kay Miranda sa bahay nito. Si Simon na tauhan ng smuggling queen ang nagpapasok sa kanya.

Yanig na yanig si Miranda sa ibinalita ni Mang Goryo. “P-Patay na si Antonya at si Arnold?”

“Opo, nasisid at nakuha na ng mga ma­ngingisda ang bangkay nila. Nasa dalampasigan po.”

Nangalog ang tuhod ni Miranda. Pakiramdam niya’y nawalan ng kapamilya at kapuso. Napakahalaga sa kanya sina Antonya at Arnold.

Sa tulong nina Simon at Mang Goryo, narating ni Miranda ang aplaya. Hindi napigil ni Miranda ang damdamin, niyakap ang bangkay nina An­tonya at Arnold, sabay hagulhol. “Hu-u-hu-huuu.”

Magkasabay na ibinurol sa bahay ni Miranda sina Antonya at Arnold. Halos nakababad sa lamay si Miranda, inaalalayan ni Simon sa lahat ng pangangailangan.

Naubos na ang luha ni Miranda sa dalamhati.

Nagdatingan ang mga kaanak ng dalawang namatay. Naging mahinahon si Miranda sa mga sandaling ito.

 Sabay na inilibing sina Antonya at Arnold sa munting public cemetery ng aplaya. Ang nakakasurpresa, katabi pa ng puntod ni Padre Tililing ang pinaglibingan, isang detalyeng hindi na naiwasan ni Miranda.

Sinarili ni Miranda ang mga tanong. “Masaya ka na ba, Tililing? Pepestehin  mo ba sina Antonya at Arnold sa kanilang pananahimik?”

 Kaytagal ding nanatili ni Miranda sa magkatabing puntod. Nauna pang nag-uwian ang mga nakipaglibing. “Simon, gusto ko nang umuwi. Ngayon na.”  Naulit ang mga eksena. Mabilis nang pauwi si Miranda lulan ng SUV na si Simon ang nagda-drive. “Ano sa palagay mo, Simon, nasaan na sina Antonya at Arnold?”

 Mabilis na sumagot si Simon. “Natitiyak ko pong nasa ilalim pa rin ng lupa, sa kanilang puntod, sina Antonya at Arnold, Mam Miranda.”

 Nagpigil ng inis ang smuggling queen; mali ang sagot ni Simon. (ITUTULOY)

Show comments