Itinakwil ng mister

Dear Vanezza,

Itago mo na lang ako sa alias Nena, isang misis na hiwalay sa asawa. Seven years din kaming nagsama ng mister ko at sa loob ng mga panahong iyon ay maayos ang aming pagsasama. Nagkaroon kami ng isang anak. Pero dumating sa buhay namin ang pagsubok na pinagsisihan ko. Nahumaling ako sa ibang lalaki. Foreigner siya na nakilala ko sa party ng isang kaibigan. Dahil siguro sa pagkalango namin sa alak ng gabing ‘yon nagkaroon kami ng one night stand. Ang masaklap, nagbunga ang isang gabing kasalanan. Noong buntis ako kinabahan ako dahil alam kong iba ang itsura ng bata kapag naisilang na. At nangyari ang kinakatakutan ko. Pinalayas ako ng aking asawa kasama ang aking baby. Abot-abot ang aking paghingi ng tawad pero ayaw akong patawarin. Mahal ko ang aking asawa. Ano po ang dapat kong gawin?

Dear Nena,

Sa buhay ng tao, malaya tayong gawin ang ating gusto, mabuti man o masama. Pero sa bawat bagay na gawin natin ay may karampatang consequence ito na dapat nating harapin. Sa kaso mo, ang isang gabi ng pagkakasala ay nagdulot sa iyo ng habambuhay na kalbaryo. Hindi ko alam kung patatawarin ka pa o hindi ng asawa mo. Pero magtiyaga kang humingi ng tawad at baka sakaling mapalubag mo ang kanyang puso. Kung umabot na sa kasukdulan at wala pa ring nangyayari, tanggapin mo na lang ang masaklap mong karanasan at magsilbing aral na lang ito sa iyo.

Sumasaiyo,

Vanezza

Show comments