Dear Vanezza,
Tawagin nyo na lang po akong Karina, dating OFW sa Qatar, 27 years old. Tatlong taon po akong nagtrabaho bilang waitress sa Qatar at doon ko nakilala ang bf ko na isang Qatari national. Siya po ay 47 years old. Sa una po ay naging mahirap para sa aming dalawa ang mag-adjust dahil Muslim siya at Kristiyano ako. Pero unti-unti naming pinakibagayan ang bawat isa dahil sa pagmamahal. May asawa po siya at 3 anak kaya ang balak naming pagpapakasal ay kailangan niyang iabiso sa kanyang unang asawa. Napag-usapan po naming uuwi siya ng Pilipinas para magbakasyon. Pero ang nakakalungkot habang lumilipas ang panahon ay lumalabo ang tsansang magkaroon ito ng katuparan. Hindi na niya sinasagot ang mga text ko o kahit ang paulit-ulit na tawag ko sa kanya na dati ay hindi naman ganoon. Wala po kaming pinag-awayan. Ayoko namang umalis ulit papuntang abroad dahil baka bigla na lang siyang dumating. Ngunit hangang kelan ako maghihintay? May mga offer na rin po sa akin pero sabi ko sa sarili ko isang tawag lang niya, handa kong isakripisyo lahat dahil mahal na mahal ko siya. Anong gagawin ko?
Dear Karina,
Kristiyano ka at Muslim ang iyong nobyo. Mixed marriage ang mangyayari kapag nagkataon. Wala naman sigurong problema sa kanya kahit buhay pa ang asawa dahil allowed namang mag-asawa ang mga Muslim ng higit sa isa. Pero pakaisipin mo rin ang hindi magandang ibubunga ng ganyang uri ng relasyon. Maaaring ngayon ay nangingibabaw pa sa inyong dalawa ang pag-ibig pero kapag nagtagal, nakatitiyak ka bang ganyan pa rin ang sitwasyon? Ngayon pa nga lang ay ramdam mo ng lumalabo ang inyong relasyon, paano pa kung mag-asawa na kayo? Sa dakong huli ay desisyon mo pa rin ang masusunod, subalit gamitin mo rin ang iyong isip at hindi puro puso para makagawa ka ng matalinong desisyon dahil ang nakataya ay ang kinabukasan mo at magiging anak ninyo.
Sumasaiyo,
Vanezza