‘Butas na lupa’ (35)

“MONICA, ako si Jake! Ako ang boyfriend mo!” tarantang sabi ni Jake sa dalagang hindi na yata siya kilala. “N-naghintay ako sa iyo sa ibabaw ng butas na lupa—for three weeks! Akala ko nga’y…wala ka na…”

Nakatingin lang sa kanya ito, nakangiting alanganin na hindi maunawaan ni Jake. It was a mysterious smile.

“Monica, inano ka nila?  Tama bang merong taga-ibang planeta doon?” Titig na titig sa mga mata ng dalaga si Jake, alam na ang mga mata ang bintana ng kaluluwa ng tao.

Wala pa ring imik, walang sagot ang dalaga.

“M-Monica?” May napansin si Jake sa mga mata ng dalaga. Bakit ang titig nito’y walang pokus?

Bakit parang titig ng…hangal?

“Monica, magsalita ka. Say something.”

Itinulak siya nito—super lakas.

Humagis sa sidewalk si Jake, parang ibinato ng isang higante.

KRAASS.  Sa puwesto ng nagtitinda ng gulaman bumagsak si Jake; takang taka kung paanong nagkaroon ang girlfriend ng grabeng lakas.

Bago pa nakabangon ang binata ay nakatakbo na ang dalaga. Muling nawala sa karamihan ng tao.

Habol muli si Jake; natitiyak na may nangya­ring kung ano sa nobya.

“Monicaaa! Magbalik kaaa!”

Sa kanto sa eskinita, naabutan ng binata ang hinahabol.

Pero nagitla na naman siya. “Holy bastard…”

Hindi iisa, tatlong ‘Monica’ ang nakaharap sa kanya—iba-iba ang kulay ng damit, iba-iba ang style.

Namutla si Jake, kinusot ang mga mata. “T-This is not happening! Iisa lang si Monica! Tiyak na dinadaya na ako ng aking paningin!”

Walang ibang tao sa eskinitang iyon, ewan kumbakit.

“Holy bastard… t-talagang tatlo na si Monica!  A-At hindi ako nananaginip! T-This is real!” Napaurong si Jake.

Kinabahan na ang binata. “S-sino sa inyo si Monicang girlfriend ko?”

Dinedma siya ng tatlo.

“SINOOO?” sigaw na ni Jake. ITUTULOY

 

Show comments