‘The Kiss’ (5)

NAGPAALAM sa bangkay ni Natalie si Sam. May tatlong oras din siyang  nanatili sa musoleo, sa presencia ng yumaong nobya.

“Natalie, I have to go muna. Kailangan ako sa trabaho. Babalik ako rito bukas, pangako.”

Tiniyak ni Sam na naka-double lock ang pinto at gate ng musoleo. Isinara din niya ang lahat ng ilaw doon puwera lang ang ilaw sa labas ng pintuan na sinisindihan tuwing gabi.

“Mang Tor, huwag ninyong kalimutang patayin ang ilaw sa umaga. Tipid po tayo sa kuryente.”

“Okey po, Sir Sam,” sagot ng sepul­turero.

“Kapag ho merong ibang tao na nais pumasok nang walang pahintulot, pakitawag agad sa akin o sa pa­rents ni Natalie.”

“No problem po. Kahit gabi ay nagroronda ako, kasama ng mga security guards ng memorial park, sir.”

“Salamat naman ho. Matutuwa si Natalie.”

“Sir naman, patay na ho ‘yung girlfriend ninyo—hindi ho dapat isinasali sa biro.”

Napabuntunghininga ang binata. “Lagi kong iniisip na nasa paligid lang si Natalie, Mang Tor.”

Nakaunawa ang sepulturero. “Mahal na mahal n’yo nga po pala ang inyong nobya. Nakikiramay po ako, Sir Sam.”

“Ten years na po mulang mamatay si Natalie. And all those years, hindi talaga ako nagmahal ng iba.”

“At si Miss Natalie naman po ay hindi na­agnas-- dahil siguro sa inyong dakilang pagmamahalan.”

Hindi masabi ni Sam sa kausap ang tungkol sa matangkad na lalaking nanghalik nang sapilitan kay Natalie, ilang araw bago biglang namatay ang nobya; na ang lalaking ito ay nag-iwan pa ng pangako—na ito ay babalik sa ika-sampung taon, para muling hagkan sa mga labi ang dalaga.

Saglit pa’y sakay na ng kanyang kotse si Sam, latag na ang dilim habang binabagtas ang daang palabas ng napakalaking memorial park.

May nasinagan siyang matangkad na lalaki, mag-isang naglalakad sa roadside—pasalunga sa direksiyon niya. Foreigner ito, napansin ni Sam.

Nakita niya ito sa malapitan. Kinabahan siya. (ITUTULOY)

Show comments