Dear Vanezza,
Tawagin mo na lang akong Ayza, 21 years old at working student. Isa po akong GRO sa maliit na club sa Maynila. Nahihiya ako sa trabaho ko pero wala akong magawa. Kapit sa patalim po dahil ito lang ang alam kong pasukan para itaguyod ang aking sarili. Mahirap lang kami at walang maaasahang tutulong sa akin sa aking pag-aaral kundi ang sarili ko. Umiiwas na lang ako sa mga manliligaw. Natatakot ako na kapag nalaman nilang GRO ako ay pagsamantalahan lang nila ako. Pero kahit isa akong GRO, hindi naman ako lumalabas kasama ang kustomer ng club. Pero may isa po akong kustomer na tila nade-develop ang feelings ko. Binata siya at isang medical representative. Sinabi niya na alam niyang hindi ako mumurahing babae at napilitan lang ako sa trabahong ito. Hindi ko siya pinapansin pero mapilit talagang siya. Gabi-gabi ay pinupuntahan niya ako sa club at laging siya ang customer ko. Hindi siya galanteng mag-tip pero sa kabila noon ay enjoy ako sa company niya. Iniisip ko ngayon kung sasagutin ko ba siya o hindi. Natatakot din kasi ako baka lokohin lang niya ako.
Dear Ayza,
Kahanga-hanga ang iyong determinasyong makatapos ng pag-aaral sa kabila ng problemang pinansiyal na kinakaharap mo. At tama na pinapahalagahan mo pa rin ang pagkababae mo at hindi ka lumalampas sa boundary sa pagtupad sa iyong trabaho. Tungkol sa customer na nanliligaw sa iyo, tila nga mabuti ang kanyang layunin. Pero kilalanin mo pa rin siyang mabuti. May mga lalaki na nagpapakita ng kabutihan para masilo ang babaeng kanilang pinagnanasaan. Sana’y hindi naman ganyan ang manliligaw mo. Ngunit mainam na rin ang nakasisiguro. Sa pag-ibig, hindi lamang puso ang dapat maghari kundi pati pag-iisip. Kaya kilalanin mo pa rin siyang mabuti. Develop your friendship with him. Sa tagal ng inyong pagkakaibigan, makikilala mo nang mas malalim ang kanyang pagkatao.
Sumasaiyo,
Vanezza