“May Impakta sa tiyan ko” (15)

HINDI na halos makakilos sa kabusugan si Morgama alias Impakta. Nakahiga ito sa tabing kalye, sa basurahan, katabi ang labi ng biktima.

Actually, wala na halos nalabi kundi mga duguang buto o kalansay. Natapos ng impaktang taga-ibang planeta ang isang buong tao nang wala pang sampung segundo; daig pa ang piranha.

“Burrpp.”  Napadighay ito.

Saka naramdamang may nakalapit nang tao.

“EEeeee!” Napasigaw ang tindera ng chi-­­ c­harong baboy.

Hindi nagtagal, marami nang tao. Nakita ng mga ito ang duguang pinangyarihan ng lagim.

“Maniwala kayo, nakakita rin ako rito ng bundat na ewan kung anong hayop. Nakakabaliw ang kapangitan no’n!”

“Ano’ng klaseng hayop, manang?” tanong ng barangay tanod. Gaano kalaki? Asong gala ba?”    

Umiling ang tindera. “Super-liit na pangit na bundat sa kabusugan. Kasing-liit ng king-size na sigarilyo.”

Nagtaka ang mga dumalo. “Gano’ng kaliit ang umubos sa isang buong tao? Paanong  nangyari ‘yon?”

“Pangit pa sa dagang itim, mukhang mabangis na unggoy po.”

DINIG ni Morgama alias Impakta ang sinabi ng magsisitsaron. Gigil ang taga-ibang planeta. “Grabeng mang-insulto! Mas pangit daw ako sa pinaghalong daga at unggoy!”

Ang impakta ay pabalik na sa ‘tahanan’ sa lupa.

Sa tiyan ni Brando. Gising na ang binatang pinatulog ng alak. “Ano na ba ang nangyari? Parang magaan ang sikmura ko…”

Nakita niya ang alagang pusa, nasa mala­yong sulok ng bahay—anyong takot na takot.  “Minnng. Minnng. Bakit…?”

“Ngiyaawwrr.”

Nahulaan ni Brando ang nangyari. “N-nakalabas na ang impakta…tinakot si Ming…”

Wala sa paligid ang impakta. Babalik ito, dama ni Brando.

Kung hindi ito kayang gutayin ni Ming, dapat na makaisip siya ng ibang paraan, naunawaan ni Brando.

Naghanda siya ng panlaban sa impakta. Isang bote ng gas at posporo.“Bubuhusan ko siya ng gas! Saka ko siya sisindihan! Walang nakaliligtas sa apoy!” (ITUTULOY)

Show comments