“SA DULO ng rainbow ko siguro makikita si Tamara. Sabi ni Mildred—doon pupunta ang aming anak…” parang wala sa sariling sabi ni William sa kumpare.
“Pareng William, narito pa sa kabaong ang anak mo.”
“Pareng Milroy, ang kaluluwa ng anak ko ang pupunta sa dulo ng bahaghari-- hindi ang kanyang katawang lupa.”
“Oo nga, ang katawang lupa nga pala, sa lupa rin nagpupunta, nagiging alabok. Ashes to ashes…” pag-ayon ng kumpare.
“Then I’ll be chasing rainbow pala, Pareng Milroy…”
“Posible ba ‘yon? Bago ka makarating sa dulo, nabura na ‘yon.”
`Bumuntunhininga si William. “Nais kong patuloy na makita si Tamara matapos ilibing. Huwag mo namang sirain ang pag-asam ko…”
“Aba, hindi, pare! Sige lang, ituloy mo ang magagandang scenario sa isip mo. At least ay mai-inspire kang magpatuloy sa buhay.”
“Kaya kong tukuyin kung nasaan ang dulo ng bahaghari. Hindi imposible iyon sa akin,” bulong ni William, hindi na halos maidilat ang mga mata sa sobrang puyat; tinatalo na ng grabeng antok.
Nakatulog na nga, sa mismong memorial chapel. Inalalayan ito ng kumpare hanggang sa private room ng burulan.
Dumating si Donna sa lamay, binalitaan ni Milroy. “Nando’n sa family room, himbing na himbing.”
“Mabuti nama’t nakatulog din si William. Nakakaawa naman, wala na talaga siyang kapamilya.”
Nagbiro ang kumpare ni William. “Alam mo, Donna…bagay kayo.”
Napabungisngis ang magandang biyuda. “Alam ko ‘yon. Kaso mukhang magtatagal ang pagluluksa ni William bago ako mapansin. Mahal na mahal niya ang kanyang mag-ina…”
SI DONNA ang nagyaman kay William habang ang huli ay natutulog. Inalisan niya ng sapatos ang bagong biyudo, tiniyak na hindi nilalamok. Hindi naman lumalampas sa bawal si Donna. Disente itong nakaupo lamang sa tabi ni William, inaaliw ang sarili sa pagte-text sa mga kaibigan. Biglang nagising si William, halatang naalimpungatan.
“M-Mildred?” Napagkamalan nito si Donna. “Oh my God, dinalaw mo ako! Mahal mo pa rin ako, Mildred!”
Bago pa nakaiwas si Donna, hinahagkan na siya ni William sa mga labi, buong pagmamahal. (ITUTULOY)