Juday at iba pa, inagawan ng lamesa ng ilang pulitiko?!

Judy Ann Santos
STAR/File

MANILA, Philippines — Ilan pa sa hanash ng netizens noong Gabi ng Parangal ng Metro Manila Film Festival 2024 ay ang mga pulitikong naging presenter.

Nagbigay ng talumpati ang dating DILG Secretary at senatoriable na si Benhur Abalos. Dati siyang chairman ng MMDA at MMFF.

Panahon noon ng pandemic, pero nairaos ang MMFF noong 2021 sa ilalim ng kanyang pamamahala. Hindi na siya umabot sa 2022 dahil inilipat na siya sa DILG.

Nandoon din sina Sen. Bong Go at Sen. Francis Tolentino na reelectionist sa 2025 midterm elections. Pati si Makati Mayor Abby Binay na tatakbo ring senador.

Ang ibang mayor ay nandun dahil bahagi naman talaga sila sa taunang MMFF. Pero sabi nga ng karamihan, nagagamit ng mga pulitikong ito ang filmfest dahil marami ang sumusubaybay dito.

May iba pang pulitikong nandun na hindi na namin kilala, pero naestima sila nang husto ng mga taga-MMDA.

Nasagap nga namin doon na inupuan ng ilang pulitiko ang table na dapat ay para sa buong team ng Espantaho.

Pagdating kasi nila Judy Ann Santos, kaagad ko siyang tsinika sa kinauupuan niya kung ano ang nararamdaman niya, mas excited ba o kabado. Natatawang sagot sa amin ni Juday, “Mas gutom ako, pero wala kaming table. May nakaupo sa table namin, table 46. Wala kaming table. Kaya nakikiupo lang kami.”

Nakita naming inayos na ang isang table para sa kanila, dahil may ilan nang nakaupo sa mesang talagang naka-reserve sa kanila. Ang sabi sa amin, mga pulitiko raw ‘yung nakaupo, pero hindi namin nakilala.

Maiintindihan naman natin kung nandoon si Sen. Jinggoy Estrada dahil sinamahan niya ang kanyang ama, si dating pangulong Joseph Estrada na ginawaran ng Lifetime Achievement Award. At ilang beses ding umakyat si Sen. Jinggoy para mag-present ng award.

Pero kasisimula pa lang ng MMFF ay nanawagan na si Sen. Jinggoy na sana suportahan ito. Ipinagkibit-balikat na lamang niya ang mga kontrobersya rito, dahil hindi naman daw talaga nawawala ‘yun.

Malaking tulong naman daw talaga ang MMFF sa beneficiaries nito.

Isa na nga rito ang Mowelfund na isa sa nakikinabang sa naturang filmfest. “Kaya papasalamat tayo sa ating ama dahil kung wala naman siya, wala namang Metro Manila Film Festival. Marami namang nakikinabang, mara­ming nagkaroon ng trabaho, nagkaroon ng isang building ang Mowelfund para sa ating… ‘yung manggagawa sa likod ng kamera.

“Marami kasing natulungan ng Mowelfund. Actually, maraming direktor ngayon na nag-graduate sa Mowelfund… pati ‘yung ibang mga artista, pati mga scriptwriters, pati mga cinematographer, mga Director of Photography,” sabi pa ni Sen. Jinggoy Estrada bilang paalala na si former Erap ang kabilang sa nagpasimuno ng MMFF.

Sam, may plano sa MMFF?!

Pagkatapos naming kinober noon ang Parade of Stars sa Maynila, tumuloy kami sa San Andres na kung saan namudmod nung oras na ‘yun ng saku-sakong bigas si Cong. Sam Verzosa.

Hiningan namin siya ng opinyon tungkol sa MMFF, at para sa kanya, dapat na magkaroon daw talaga ang lungsod ng Maynila ng isang international film festival. Dapat nga raw ay ang Maynila ang dapat na mag-host lagi ng MMFF.

Aniya, “Kung merong Metro Manila Film Festival, kayang palakihin ang Manila Film Festival. Kasi merong Tokyo Film Festival, may Cannes Film Festival… puwede tayong gumawa ng isang international film festival. Tulad nga ng sinabi ko ng isang international o multi-national na kumpanya, nagma-manage ako ng isang international company, bakit hindi kayang gawin sa Maynila ‘yan. E world-class city dapat ang Maynila. Dapat model city siya, at ‘yun ang gagawin natin ‘pag nabigyan tayo ng pagkakataon.”

Show comments