Janice, inis sa ‘anak ng cheater’ label kay Kaila

John, Kaila at Janice

MANILA, Philippines — Putok na putok pa rin ang kontrobersya kina Maris Racal, Anthony Jennings at Jamela “Jam” Villanueva at andaming memes na kinakalat.

Na pati ang mag-uumpisa nilang drama series ay pinaglalaruan na.

Ang title na Incognito ay iniba na raw ang title, Cheaters na.

At pati ang anak ni Janice de Belen na isa sa mga bida ng Incognito, si Kaila Estrada, ay tinatawag na “anak ng cheater.”

Nasasaktan ba rito si Janice, bagama’t ang amang si John Estrada ang pinatatamaan ng mga meme.

Ano ang pakiramdam ni Janice sa ganun.

“You know, I hate that people brand other people something like that. Sana wala kang pagkakamali ‘pag nagba-brand kang ganun. Sana wala kang pagkakamali.

“Kasi it’s unfair. It’s unfair. You know, when you brand people, you damage their reputation,” sagot niya sa ‘junket’ interview pagkatapos ng media conference ng Espantaho.

Dagdag pa ng mahusay na aktres : “Unang-una, mahirap kasi pag artista ka, sa panahon ng social media... target practice ka, e. Wala kang magagawa, ‘di ba? Kaya lang sana, huwag ganun.

“Because if I remember right, there was an article in TIME magazine, that when the internet was created, it was created for people to be able to connect each other from around the world at any time. ‘Di ba, kapag may connection na sinasabi, it should be… ‘di ba, kaya nga may Friendster? Kasi friends, ‘di ba?

“So internet should have been a place of knowledge, should have been a place of connection. But now it’s becoming a place of hate. So medyo nakaka-sad,” paliwanag pa ni Janice.

“Nakaka-toxic. Nakakalungkot. Kaya pilitin na lang natin na happy thoughts ang i-post natin,” seryosong pahayag ni Janice na hindi masyadong active sa social media.

Para sa kanya : “Inspiring thoughts. Inspiring quotations. Kasi as it is, napakahirap na ng buhay, ‘di ba? Let’s try to uplift each other, not destroy each other,” sabi pa ng actress na sanay nang katrabaho si Direk Chito Roño.

Maganda ang takbo ng career ng anak nina Janice and John sa Kapamilya channel.

Pagkatapos niyang mapanood sa Linlang at Can’t Buy Me Love kung saan siya hinangaan, malapit na siyang mapanood sa Incognito kasama sina Daniel Padilla, Richard Gutierrez, Ian Veneracion, Baron Geisler, Maris Racal, at Anthony Jennings na mag-uumpisang mapanood sa Jan. 17, sa Netflix muna.

Samantala, wala na siyang takot kay Direk Chito.

Sabi ni Janice, sanay na siya sa mahusay na direktor na kilalang disiplinado.

“Chinichika ko na siya. But you know, it’s always a joy working with him. Kailangan lang talaga, pag katrabaho mo siya, hindi ka sensitive. ‘Yun lang, kasi it’s about the work. It’s nothing personal. I love you!” kuwento pa niya na nakasulyap kay Direk Chito habang nagaganap ang media conference.

Na aniya ay hindi na siya nagtanong kung anong role niya sa Espantaho nang i-offer sa kanyang ang pelikula.

“Actually, nung nag-usap kami ni Atty. Joji (Alonso, Quantum Films) over Messenger, gabing-gabi na. Gabing-gabi na. Tinanong lang niya sa akin, ‘Anong araw ang mga taping mo?’ Tapos nung sinabi ko sa kanya, ‘OK, kasi may project ako with Chito Roño. Type mo ba?’

“Sabi ko, ‘Oo, bah!’ Tapos the next thing I know, nag-uusap na kami ni Popoy [Caritativo, her manager] ng schedule, ng ano. So it was that easy.

“Hindi na ako nagtanong ng role. Hindi na ako… nung nakuha ko na lang ang script, tsaka na lang. Ibig sabihin, I never even asked. OK lang ‘yon.

“Sometimes, the director itself, magiging reason na for you to accept,” mahabang alaala ni Janice kung paano niyang nakuha ang role.

Bukod kay Janice, mapapanood din sa Espantaho sina Judy Ann Santos, Lorna Tolentino, Chanda Romero, Eugene Domingo, JC Santos, Mon Confiado, Tommy Abuel, Nico Antonio, Donna Cariaga, Kian Co, at Archi Adamos.

Isa ito sa mga pelikulang inaabangan sa #MMFF50. 

Show comments