MTRCB, maraming binabantayan!
Agad na inaprobahan ng senado ang 174 milyong budget ng MTRCB. Justified naman dahil sa rami rin nang gastos ng MTRCB, hindi lang maintenance ng opisina nila, sila rin ang gumagawa ng mga malawakang kampanya para sa responsableng panonood ng sine at video.
Totoo na may additional income naman sila kagaya ng mga nasisingil nilang bayad sa kanilang pagre-review ng mga pelikula at tv shows pero maliit siyempre ‘yun.
Ang naging advantage nga lang siguro nila ay naging MTRCB Chairman si Senador Grace Poe noong araw at alam niya ang hirap ng trabaho sa board, at ang mga kakulangan noon.
Mabuti nga ngayon may sarili na silang building sa Timog, na naipatayo naman sa pagsisikap ni Senador Bong Revilla.
Ang MTRCB ay hindi rin humihingi ng confidential funds, dahil kailangan din nilang bantayan ang mga sinehang nagsisingit ng mga eksena sa mga pelikula o mga nagpapalabas ng pelikulang walang permit. Nangyayari pa iyan sa mga probinsiya at ang inaasahan nila riyan ay deputies lamang nila na wala namang suweldo at nagbabayad pa nga ng isang libong piso para sa kanilang ID.
Kabilang din sa binabantayan nila ang mga provincial busses na nagpapalabas ng pelikula habang bumibiyahe, at kadalasan hindi nasusunod ang ratings ng MTRCB sa mga ganyan kaya kailangan talaga nila ng budget.
AiAi, ‘di na bagay pakasal ulit
Mukhang unti-unti ay nakaka-move on na rin si Aiai delas Alas sa pang-iiwan ng kanyang asawa na si Gerald Sibayan. Pero lumalabas namang may ideya na rin naman pala siya dahil kinumpirma nga niyang may girlfriend iyon na isang flight attendant. Ang hindi lang niya alam ay kung totoo ang tsismis na ang flight attendant ay nabuntis na nga ni Gerald kaya nagmamadaling nilayasan siya dahil gusto raw talaga na magkaroon na nito ng anak, na hindi na rin naman kayang ibigay ni Aiai dahil sa kanyang edad.
Dapat naman pag-aralan niyang mag move on na, wala namang mangyayari kung magmukmok pa siya dahil hindi na naman siya babalikan ng asawa. Isa pa, hindi na bago sa kanya iyan dahil dalawang beses na siyang hiniwalayan ng asawa. Kung tutuusin nga sa lahat pinaka-matagal yata ang pagsasama nila ni Gerald at kaya lang naman siguro nangyari iyon ay dahil gusto na ngang magka-anak noong tao.
Baka naisip din ni Gerald na baka sa pagpipilit ni AiAi na magkaroon pa sila ng anak ay may kung ano pang mangyari at siya pa ang masisi.
Siguro naman pagkatapos niyan puwede pang mag-boyfriend ulit si Aiai, pero huwag na siyang magpapakasal. Masakit mang pakinggan, malamang sa hindi lolokohin na lang siya ulit ng magiging asawa niya, eh tiyak namang ang kukunin niya ay mas bata sa kanya, Hindi naman siya kukuha ng asawang uugod-ugod na rin.
Aktres, tuloy ang pagdurusa sa pagmamahal
Hindi pa pala maayos hanggang ngayon ang buhay ng isang dating sikat na aktres. Madalas pa rin daw na pati ang pambayad sa kuryente at upa sa bahay na tinitirahan niya ay problema pa rin. Iyon daw naman kasing natatanggap niyang ayuda, kailangan niyang ibigay sa pamilya ng partner niya dahil kung hindi baka iskandaluhin na naman siya.
Idinemanda na siya noon ng tunay na asawa ng partner niya, kaya gumawa na lang sila ng kasunduan na susustentuhan niya ang pamilya nito. Sabi ng isang malapit sa aktres, iyon daw mga problemang iyon ang dahilan kung bakit hindi tuluyang mabitiwan ng aktres ang kanyang masasamang bisyo, kahit na alam niyang nakasasam sa kanyang kalagayan.
Kawawa talaga ang aktres dahil sa pag-ibig.
- Latest