Mga artistang endorser, wala nang power!
Marami ang nagulat dahil parang napakadaling tinalo ni Donald Trump ang kanyang kalabang si Kamala Harris. Nakalikha si Trump ng history bilang ika-45 at ika-47 presidente ng America. Tinalo niyang una si Hillary Clinton pero tinalo siya ni Joe Biden. Dapat muli silang maghaharap ni Biden pero umurong na iyon sa kanyang re-election bid at inendorso ang kanyang Vice President na si Kamala Harris, na magaan na tinalo ni Trump.
Bago ang election maraming mga sikat na artista at lumantad na sumusuporta sa kandidatura ni Harris. Ibig bang sabihin hindi na pinakikinggan ang endorsement ng mga artista sa eleksiyon?
Masasabi nga siguro nating ganoon, eh sa rami ba naman ng mga artistang sumuporta kay Harris. OK lang na matalo si Kamala Harris pero hindi naman ganyan kadali.
Hindi lang naman sa America ang ganyan, pag-aralan ninyo ang nakaraang eleksiyon dito sa Pilipinas, kung saan pinagkakaguluhan pa at dinudumog ng mga tao ang mga artista. Noong 2022, dahil sa impluwensiya ng ABS-CBN. Lahat nang malalaking artista ay sumuporta kina Leni Robredo at Kiko Pangilinan. Kung pasikatan ng mga endorser ang labanan, nakuha na nilang lahat. Asawa pa ng megastar na si Sharon Cuneta si Kiko Pangilinan, hindi bayad ang endorsement. Naroroon din ang komedyanteng si Vice Ganda. Nakasuporta pa si Maricel Soriano. Andyan si Donny Pangilinan. Talagang kung sikat na endorsers ang pag-uusapan llamado sina Robredo at Pangilinan, pero magaan din silang tinalo nina Bongbong Marcos at Sara Duterte na kapwa nagrehistro ng malaking kalamangan sa kanilang kalaban.
Ibig bang sabihin niyan ay hindi na pinakikinggan ang mga artisita pagdating sa pulitika?
Pero kung hindi na pinakikinggan ang mga artista, bakit si Robin Padilla naging topnotcher pa. Number one senator. Marami kasing mga botante na nagpipilit na makumpleto ang 12 senador na dapat nilang iboto. Marami ang nagsabing noong wala na raw silang maalalang pangalan, isiningit na nila si Robin Padilla, iyon ang naalala nila, pero sa rami ng ganoong klaseng boto, naging topnotcher pa si Padilla. Ang matalinong botante, kung wala nang maalalang pangalan, tama na. Iiwan nang bakante ang ibang slots.
Pero ang panalo ni Padilla ay hindi nagpapatunay ng advantage ng isang artista. Bakit ba si Aga Muhlach, mabuting tao at talaga namang taga-Bicol kaya niya naisip na doon tumakbo pero natalo. Si Nora Aunor mismo, ilang ulit natalo? Tumakbong governor talo, tumakbo sa partylist talo, ngayon kandidato na naman sa partylist. Maging si Sharon Cuneta mismo ikinampanya ang kapatid niya bilang mayor sa Pasay kung saan naglingkod din ang tatay nila ng 15 taon bilang mayor, at sa history ng Pasay ay isang beses lamang natalo sa eleksiyon. Dibdiban pa ang kampanya ni Sharon para sa kapatid niya na hindi niya nagawa sa panahon ng tatay niya, pero talo rin.
Si Edu Manzano rin tumakbong mayor talo, senador talo, vice president talo, noong huli congresman na lang talo pa rin.
Maski si Angel Locsin na noon ay sikat na sikat at napakaganda, nag-endorso rin ng kanyang pinsang si Neri Colmenares, natalo rin. Hindi kasiguruhan na basta artista ka mananalo ka.
Si Vilma Santos tumakbong mayor, undefeated ng tatlong terms. Tumakbong governor undefeated din ng tatlong terms. Tumakbong congresswoman undefeated din ng dalawang terms. Iyong ikatlong term niya ipinaubaya na niya sa asawang si Senador Ralph Recto.
Kaya wala sa pagiging artista ang kapalaran ng pagkandidato, nasa personalidad mo pa rin.
Catriona at Sam, lumang isyu na
Issue pa ba kung hindi man magkatabi sa eroplano sina Sam Milby at Catriona Gray sa kanilang pagtungo sa Canada?
Ano pa naman ang issue roon eh matagal na naman silang split.
Umamin silang may problema sa relasyon ang dalawa ngunit inaayos naman daw nila iyon. Proteksiyon na rin nila iyon kay Milby na muling uminit ang pangalan nang ma-link kay Catriona.
Pero sa katagalan talagang alam ng mga tao na split na nga silang dalawa, at hindi na maitatago iyon kahit na magtabi pa sila ng upuan sa eroplano.
- Latest