Isa sa na-reveal sa nakaraang media conference ng SB 90s Streetboys Reunion Dance Concert na nakatakda sa November 8 sa New Frontier Theater ay nagkasabay palang nanligaw sina Vhong Navarro at kapwa Streetboys na si Joseph de Leon kay Bianca Lapuz.
Si Bianca ang unang asawa ni Vhong na aksidenteng nabukelya niyang nanliligaw din pala noon si Joseph.
“Hindi talaga maiwasan that time e. Kasi minsan may mga nakasama kami o nakatrabaho kami na magkakagusto ka e. Tapos minsan, hindi maaalis, iisa ang tipo namin di ba?” bulalas ni Vhong.
Dagdag niyang kuwento; “Meron din kami ni Joseph that time. Yung niligawan po niya, iyun ang naging ex-wife ko nung panahon na yun. Tumawag po ako sa bahay ni Bianca that time, ang hinahanap ko si Joseph.
“ Tapos ang sumagot sa telepono ang kapatid ni Bianca. ‘Ha? Kuya Joseph? Teka lang po.’
“Ay teka lang po! So, ibig sabihin nandun. So, pagsagot uy! Pero that time parehong nanliligaw lang that time. Nanliligaw pa lang.”
Nung panahong iyun ay si Joseph daw talaga ang tatawagan niya, pero ang na-dial niya ay ang telepono sa bahay nina Bianca. At tamang-tama naman nandun si Joseph. Kaya aksidenteng nahuli niya ito.
Sabi naman ni Joseph, hindi naman daw naging sila ni Bianca, at hindi naman nila pinag-awayan iyun.
Ysabel, loyal kay Rei Tan
Makahulugan ang pahayag ni Ms. Rei Tan nang tanungin namin kung ano ang basehan niya ngayon sa pagpili ng mga bago niyang brand ambassadors.
Inilunsad niya nung nakaraang linggo ang bagong produkto niyang Belle dolls na kung saan isa sa brand ambassadors si Ysabel Ortega, at mga bago niyang pinapirma na sina Miguel Tanfelix, Shaira Diaz, at Sofia Pablo.
Naintriga lang kami sa sagot sa amin kung ano ang una niyang tinitingnan sa isang artist para maging brand ambassador. “Basta love nila ako. We will be forever. Kasi ang mga nandiyan ko, mga 10 years na sa akin,” kaagad niyang sagot sa amin.
Ipinagmamalaki niyang mahigit 30 artists ang dumalo kahit wala naman daw siyang ipinangakong ibibigay.
Para sa magandang samahan, mas mahalaga raw ang loyalty.
Ending ng AKNP, ‘di umabot sa double digit
Hindi man lang pala nag-double digit ang rating ng finale episode ng Abot Kamay na Pangarap.
Naka-9.6 percent lang ito, na maaring na-anticipate na ng mga manonood kung ano ang ending, kaya hindi na nila ito gaanong tinutukan.
Kaya tama lang na tapusin na talaga after two years, at baka nagsawa na rin sila sa takbo nito.