Pinag-uusapan ngayon ang GMA Gala dahil kay Nadine Samonte at ‘di dahil sa mga gown ng mga rumampang artista.
Invited daw ang aktres na dapat naman dahil siya ay isang GMA 7 talent na nagmula sa kanilang talent search na Starstruck.
Dumating siya sa GMA Gala na nakasuot ng magandang gown, rumampa sa kanilang red carpet, pero pagdating sa loob ng venue wala raw ang kanyang pangalan.
Ibig sabihin walang upuan para sa kanya.
Bakit daw wala ang name ni Nadine samantalang ang daming mga andun na mga hindi naman talent ng GMA.
Marami ring influencer na ang gaganda raw ng mga pwesto at napaka-VIP sa nasabing Gala.
Ang sabi naman, iyon daw mga influencer kaya andun ay dahil binigyan sila ng ticket at binayaran ng mga sponsor nila.
May mga sponsor palang nagbabayad sa ganyan at doon sila kumikita.
Milyon diumano ang bayad ng mga sponsor para sa mga content nila.
Isa pang isyu na pinag-usapan ay ang pagkalaglag ni Herlene Budol sa stage habang siya ay rumarampa.
Ang sabi natapakan daw niya ang laylayan ng kanyang suot na gown kaya siya nadapa at nahulog. Kitang-kita sa video ang diretso niyang paglalakad tapos bumagsak sa stage.
Kasabay niya halos sa stage si Barbie Forteza na mabilis na tumakbo para tulungan siya nung makitang nahulog si Herlen. Walang pakialam si Barbie kung nasira man ang pagrampa niya, hindi niya naisip ang poise pero kailangang tulungan ang isang kasamang bumagsak.
Iyong pagkakahulog ni Harlene, maaaring natapakan nga niya ang laylayan ng kanyang gown, pero kung iyan ay nabigyan ng tamang blocking hindi mangyayari ang ganun.
Sino ba sa history ang nahulog na sa stage? Ang unang-unang nahulog sa stage ay sa GMA din, si Kris Aquino na tumuntong sa bahagi ng stage na hindi matibay sa GMA Supershow pa ni Kuya Germs.
Siyempre dahil anak siya ng presidente dinala nila agad sa Makati Medical Center. Hindi naman kasi emergency case iyon kaya lumagpas pa sa maraming ospital at dinala siya sa kanyang preferred hospital. Pagkatapos ng show sugod-agad sa ospital si Kuya Germs na panay ang hingi ng dispensa sa nangyari.
Kasalanan ba iyon ni Kuya Germs? Hindi.
Kasalanan iyon ng gumawa ng stage dahil nagtipid sila at hindi nilagyan ng matibay na kahoy ang ibang bahagi ng stage.
Ang isa pang natatandaan naming nahulog sa stage ay si James Reid. Rumarampa siya noon sa isang fashion show, medyo dim light na ang drama niya may suot pa siyang dark sunglasses. Hayun hindi niya nakita end of the stage na pala. Pasayaw-sayaw pa siya tapos biglang nawala, nahulog na pala.
Buti naman daw at hindi nasaktan nang husto si Herlene Budol, pero nagpa-hospital na kaya siya?
Importanteng magpa-check up.
Pero sana maging aral ang pangyayari sa ganito kasosyal na event na gawing pulido ang entablado. ‘Wag tipirin dahil meron naman palang malalaking sponsor na pumapasok.
‘Hindi forecast’
Pagkatapos ng isang awards night na actually ay hindi namin napansin dahil natutulog na kami, may isang member na tumawag sa amin at nagtatanong “saan mo nakuha ang fearless forecast mo, totoo lahat.”
Hindi kami gumawa ng forecast, may isang source na nag-leak sa amin kung ano ang nangyari sa kanilang botohan, at kung papaano nagkalaglagan.
Kaya hindi fearless forecast iyon dahil nangyari na noong ibalita namin.
Pero ang nakakagulat ay ang intrigang pati ang producer ng nasabing award giving body ay nakikialam na sa mga ipapanalo nila alang-alang sa mga sponsor.
Basta kami, dalawa lang ang pinaniniwalaan namin. Ito ang The Eddys (Entertainment Editors’ Choice) at ang Urian (Manunuri ng Pelikulang Pilipino).
Sa Eddys sa mga diyaryo at website pa lang nila, alam mong matitino.
Iyon namang Urian basta ikiniskis ka sa bato nilagyan ng asido at naiba ang kulay “tubog ka lang sa ginto, hindi ka tunay.” Iyan ang sagisag ng bato ng Urian.
Kaya hayaan na natin ang ibang mga nagbibigay ng award.