Atasha, kakayaning pantayan si Maine?!

Atasha

Hindi na gaya ng dati ang magiging paglabas ni Maine Mendoza sa E.A.T. matapos na siya ay mag-asawa. Natural kailangan niyang gampanan ang kanyang “Misis duties,” kaya ngayon pa lang kailangang paghandaan na nila kung sakaling ang susunod na desisyon noon ay mag-indefinite leave muna sa show. Kaya naman ngayon pa lang handa na ang E.A.T. at sa palagay namin bahagi ng paghahandang iyon ay ang pagpapakilala nila kay Atasha Muhlach bilang bagong legit Darbarkads.

Maganda si Atasha, at may talent na nailabas na niya kahit noong bata pa siya. Si Atasha ay nakasama na sa stage musical na The Sound of Music na itinanghal noon sa Resorts World. Iyon ang sinasabing highest earning at longest running stage musical na ginanap sa PIlipinas. Iyon ay idinirek pa ng yumao na ring stage director na si Roxanne Lapus. Noon pa man sinasabi sa amin ni Roxanne na sa palagay niya ang “anak na babae ni Aga, ay napakalaki ang potentials na maging big star. Maganda at talented iyong bata,” sabi pa ng stage director.

Pero noong una, tutol kasi si Aga na humalo ang kanyang mga anak sa show business hanggang hindi tapos sa pag-aaral ang mga iyon. Dahil sa talagang hilig ding maging artista at singer, nang matapos siya sa kanyang pag-aaral, mabilis na pumirma ng kontrata si Atasha sa Viva kung saan sinasabing inihahanda na siya para sa isang recording, at ngayon nga ay nakuha pa siya bilang isa sa co-hosts ng longest running noontime show, ang TVJ, at E.A.T. Bagama’t nakuha nga ng Tape ang title ng longest running TV show, maliwanag naman na ang show nila ay ilang buwan pa lamang, dahil ang totoong show kasama ang lahat ng hosts at format noon ay lumipat lang ng istasyon.

Walang dudang mas higit na maganda naman si Atasha kaysa sa ibang hosts ng show. Ang tanong, mapantayan kaya niya ang naging popularidad ni Maine Mendoza?

Wala namang dudang ang nagpasikat kay Maine ay ang segment na Kalye Serye ng show nila noon, ang nagpatindi ng kanyang popularidad ay ang nabuong love team nila ni Alden Richards na kinagat nang husto ng masa.

Palagay naman namin hindi mahihirapan ang E.A.T., may mata ang TVJ sa mga ganyan, ilan na nga ba sa mga naging Mr. Pogi nila noong araw ang naging big stars. Nito na nga lang mga bandang huli walang sumikat na Mr. Pogi dahil naging concentrated sila sa female stars.

Marunong din naman si Atasha, dahil marami na siyang tinatanggap na offers, pero pinili niyang magsimula kasama ng TVJ.

Puwet ng mga bidang lalake sa halos porno movie, nakabalandra sa gay website!

Nagtatawa sila ngayon, dahil mukhang ang promo gimmick daw ng isang kumpanyang may video streaming ng mga pelikulang may sex ay ang paglalabas ng pictorial ng kanilang mga bidang lalaki na labas ang puwet sa isang gay website.

Noong una, ang inilalabas nila ay ang mga mas matitinding sex scenes ng kanilang pelikula, pero dahil sa nagsisimula na ngang maghigpit laban sa mahahalay na panoorin ang MTRCB, at bagama’t ang internet streaming ay wala pa sa ilalim ng jurisdiction ng MTRCB, iyan ay pinag-uusapan na sa kongreso na kailangan na nga rin ng control at pinabayaan lamang noong panahon ng pandemya. Medyo nagsisimula na rin silang bawasan ang kahalayan sa kanilang mga pelikula. Ngayon hindi na rin gaya noong dati na may frontal nudity ang mga bida nilang lalaki, ngayon ay puwet na lang ang inilalabas.

Kaya medyo inis din ang mga beki at kung nakikitang puwet na naman ang nakabalandra sa gay website, tila nagkakaisa sila sa paglalagay ng comment na “next please.”

Show comments