Ex-DILG Usec. Martin Diño, pumanaw na!
Tuluyan nang pumanaw si dating undersecretary Martin Diño ng Department of Interior and Local Government, kahapon, Martes ng madaling araw. Mabilis naman itong kinumpirma sa social media ng anak niyang si Liza Diño, dating pinuno ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) noong panahon din ni Presidente Duterte.
Si Diño ay isang dating barangay chairman na napansin ng publiko nang naging masigasig sa pagpapabitay kay Leo Echegaray na inakusahang nan-rape sa kanyang anak na babae. Tapos noon sumama na siya sa Volunteers Against Crime and Corruption, ang non-government organization laban sa crimes and corruption.
Ang sumunod na nangyari, nag-file ng certificate of candidacy para presidente ng Pilipinas si Diño, at umurong para magkaroon ng pagkakataon si President Digong na kumandidato kahit lagpas na ang deadline ng filing ng Certificate of Candidacy.
Matapos na maging presidente, itinalaga ni Duterte si Diño bilang chairman ng SBMA pero hindi nagtagal ay nagkaroon ng problema, inalis si Diño sa SBMA pero hindi sa gobyerno. Noon siya itinalagang undersecretary ng DILG, at in charge ng Barangay Affairs.
Ang kanya namang anak na si Liza na dati ay nag-artista at lumalabas sa mga pelikulang indie, ay itinalaga bilang pinuno ng FDCP. Si Diño ay nawala sa puwesto nang matapos ang termino ni Duterte.
Matagal nang sinasabi na si Diño ay may stage 4 cancer. Noon pa binabantayan na ang kanyang kalagayan.
Wala pang detalye kung saan siya ibuburol at ang mga plano sa kanyang libing.
Epal na vlogger, hinahabol ng mga artist na pinangakuan ng P100K
Binanatan naman ng dati niyang kaaway na si Kiko Matos ang “motivational speaker na nagbebenta rin ng motivational rice” na isang vlogger. Para mai-promote ang kanyang motivational rice na nagkakahalaga ng isang daang piso isang cup, na sinabi niyang ang kikitain ay para sa mga magsasaka, nag-search siya sa artists na makagagawa ng promotional material para roon, at nangako ng premyong P100K sa mapipili. Nagsumite sa kanya ang isang rice artist mula sa Cagayan, pinapunta niya sa Maynila, at sinabi niyang ang artwork na kanilang ginawa ay ipapa-bid niya sa halagang isang milyong piso.
Pero hindi nga kinagat ng tao ang kanyang motivational rice. Halos walang dumating sa opening ng kanyang restaurant na hindi nagtagal kailangan din niyang ipasara. Tinangka niyang ipa-bid ng isang milyon ang artwork pero mukhang wala rin siyang na-motivate na bilhin iyon. Ngayon hinahabol siya ng mga kabataang gumawa noon at sinisingil siya sa premyong P100K. Hindi na sila pinapansin nito kaya lumapit naman sila kay Kiko Matos na nagsabing hindi niya titigilan si Rendon hanggang hindi noon binabayaran ang rice artists sa Cagayan. Magkasapakan kaya ulit sila? Ok lang daw sabi ni Kiko basta huwag lang gaya noong una na nakatalikod siya at saka siya inupakan.
- Latest